Tuesday, December 25, 2007

Emilio

“If you give what can be taken, you are not really giving. Take what you are given, not what you want to be given. Give what cannot be taken.”

~Idries Shah

Nung mas bata pa ako kaysa ngayon, siguro mga prep pa lang o kinder, naalala ko nung nakita ko yung mga kasama ng nanay ko sa opisina na kumakain sa canteen. Ninang ng mga magulang ko sa kasal si Mrs. Amyan. Kasama nya kumakain ang ninang ko at iba pa.

Magpapasko na rin noon. Syempre medyo nagpapansin ako ng konti. Kunyari bibili ako sa canteen. Pero tumatambay lang ako dun. Palakad-lakad. Patingin-tingin. Inaantay ko lang tawagin nila ako. Para bigyan ng aginaldo, syempre.

Hindi naman ako nabigo (buti na lang). Maya-maya tinawag ako ni lola amyan. Tinanong ako kung gusto ko raw ba ng regalo. Ngumiti lang ako. Sabi ko, “ah e, wag na po”, pero sa loob-loob ko naisip ko, “wag kayo maniwala sa akin, bigyan nyo ako ng laruan!”

Sabi ni lola, “Ok lang ba sa’yo na pera na lang?”

Hmm… napaisip ako. Kung pera nga naman, ayos lang, makakabili ako ng gusto kong laruan. Kaya sinabi ko, “Umm, ok lang po!”

“Magkano ang gusto mo?”

Hmmm… napaisip ulit ako. Magkano nga kaya. Gusto ko sana sabihin na, “one hundred pesos po!” Tamang-tama na pambili yun ng laruan. Kaya lang…

“O, magkano ang gusto mong ibigay ko sa’yo?”

“Ah…P20 na lang po.”

Nagulat sila. Nagtaka. Sabi ni lola amyan, “O, bakit P20? Ayaw mo ba ng P100?”

Sabi ko, “Gusto po. Kaya lang po kapag P100 ang binigay nyo, kinukuha ni mama. Kapag P20, sa akin po yun mapupunta.”


Lahat ng nakarinig sa sinabi ko ay nagtawanan. Sa lakas ng tawa nila, kinabahan ako na baka may nasabi akong mali. Pero kumuha si lola ng P20 sa wallet nya, tapos inabot sa akin.

“O, eto ang P20 mo. Iyo yan ha? Wag mo bigay sa nanay mo. Haha.” Tawanan sila ulit.

Tuwang-tuwa naman ako. Totoo naman kasi. Noon, kapag binigyan ako ng P100, kinukuha ni nanay. Hindi ko na nakikita ulit. Hehe.

Siguro bata pa lang, alam ko na ang ibig sabihin ng “it’s the thought that counts.” Haha. >_<>

Yun lang. Hehe.

Maligayang Pasko sa lahat!

Thursday, December 20, 2007

Yuppie?

“Once in a while it really hits people that they don’t have to experience the world in the way they have been told to…”
– Anonymous

Ano ang ibig sabihin ng dalawang larawan na ito?

Exhibit A:

Exhibit B:

Ang galing mo!

Tama ka, ibig sabihin lang nyan, natapos na ninong ang kanyang B.S. in Computer Engineering. Pagkatapos ng apat na taon at may limang buwan, natapos ko na ang humigit-kumulang 213 units, kung saan umulit ako ng 20.

Tapos na.

Mamartsa na ako sa Pebrero. Siguro.

Sana.

Sana hindi ako nag-iisa. Balita ko kasi marami sa mga umaasang magmamartsa ng Pebrero ay nagkaroon ng siete sa kanilang design 2. Walang umabot. Ako pa lang ang siguradong lalakad sa pulang carpet. Medyo nakabitin pa rin sila.

Siguro minsan nangarap akong grumaduate na top1 sa buong batch, pero kung mag-isa lang ako e napaka-RIDDIKULUS naman nun. Hehe.

Hindi na ako nag-enroll para sa darating na term. Ano ako martyr? No more available units na nga e. Pinapalayas na ako ng skul. Magpapapigil pa ba ako?

Di na rin ako nagpasyete gaya ng binulong nung iba para daw may kasabay ako magmartsa. Naisip ko, bakit ko pa patatagalin, e ang tagal kong pinilit matapos ang kurso na ito di ba?

So, ano na ba ang pinagkakaabalahan ni ninong ngayon? Kung tapos na ang kanyang ojt, bakit inabot pa rin ng isang lingo bago sya nagpost ulit?


Yuppie na si ninong. Young puppy –err professional.

Para maisagawa ko na ang aking planong sakupin ang mundo, nakasaad sa aking 1,000,000,000-step plan na makahanap agad ng trabaho para masimulan ko na ang pagpapayaman ko.

Sabi nung iba, pagkagraduate nila e magpapahinga muna sila. Mga 3 months. 6 months. 1 year. Pagkatapos daw ng apat na taon ng pag-aaral, e dapat lang na entitled sila mag-“indefinite leave” kumbaga.

Magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayaw ko mag-“petiks” ng mga ilang buwan. Syempre. Gusto ko magpahinga. Gusto kong gumawa ng wala.

Pero hindi lahat ng tao ay may ganung kalayaan. Di naman kasi ako eredero o prinsipe para mag-antay na lang sa mana ko at nagtratrabaho lang para lumipas ang oras. Kailangan ko nang magkaroon ng pera kung gusto kong makabili ng gusto ko –tulad na lang ng Intramuros. Haha.

Atsaka kung magpapahinga ako, wala rin naman akong gagawin. Walang pera e. Magsasawa rin ako agad sa bartolina. Mabubugnot sa kabalintunaan.

Kaya naman ng magkaroon ng pagkakataon e ayun sumabay na akong mag-apply sa mga nakasabay ko sa OJT. Tyempo namang naghahanap agad yung kumpanya ng aalipinin, kaya naman ayun, natanggap. Sa totoo lang, sila ang nagmamadali, kaya naman hindi ko na sila tinanggihan.

Gusto ko sana magpatuloy dun sa pinag-oojthan ko. Kasi kahit konti lang ang mga empleyado e OK ang atmosphere. Saka nagsisimula na kaming makipag-usap sa mga empleyado. Nakakabiruan na namin sila. Saka may libreng juice. Saka may pingpong table. Kaya lang hindi sila naghahanap ng empleyado, estudyanteng alipin lang ang kailangan nila.

Masyadong mabilis ang pangyayari. Kung meron mang downside ang pagtanggap ko agad sa trabahong ito, iyon ay hindi na ako masyadong nakapaghanap at nakapamili. Parang take it now or leave it forever and ever amen kasi ang dating. Parang portal na unti-unting sumasara. Kung di ko papasukin, mawawala agad ang pinto. Medyo nakakatukso pa ang job offer. Tapos hindi ganun ka-binding ang kontrata. Anong magagawa ko, tao lang naman ako?

Ayoko, hanggang maaari, na pabayaan na naman ang mga ganung pagkakataon. Malas na nga sa lablayp e pababayaan pa ang “career”. Gusto kong subukan.

Medyo nagdalawang isip din ako, kasi bagaman developer ang job position na nakuha ko e hindi programming language tulad ng JAVA o VB.net o C# o Perl ang gagamitin namin. EDI o Electronic Data Interchange ang ide-“develop” naming.

In short, EDI Developer ako.

Anong kumpanya? GXS (Global Exchange Services). Sa Makati pa rin, at hindi nalalayo sa Teloworks kung saan ako nag-OJT.

Yun lang muna. Mahaba na ito.

Thursday, December 13, 2007

Immortality

I pray thee send me back my heart,
Since I cannot have thine;
For if from yours you will not part,
Why, then, shouldst thou have mine?
~John Suckling

Sabi nga ni sir namre, no updates = dead blog.

Buti na lang at immortal ang blog na ito. -_- Hehe.

Lampas isang buwan na rin nung huli akong nag-update. Na naman. Hmm… kataka-takang hindi ako makapagpost samantalang marami akong gusto sabihin at maraming gustong ikwento. Maraming gustong i-barbero.

Hindi ko rin maipaliwanag e… bigla na lang. parang lang, na tila walang sapat na oras para magtype. Marami lang sigurong gustong sabihin na hindi masabi. Mahirap rin minsan na kilala ka ng nagbabasa ng sinasabi mo. Lalo na kapag tungkol sa mga taong yun ang ikwekwento mo. Baka isang araw e mawala na lang ako sa mundo. Assasinated – Special Order.

Marami rin naman kasing pinagkaabalahan. Kumbaga, e nagkabuhay ako sa labas ng Internet kahit paano. Hmm… hindi rin pala. O sige, kahit konti. Ah, basta ganun. At blah blah blah blah. Tapos ang kwento.

Lahat kasi ng magandang palabas, nagkakaroon ng season break. Syempre, kailangan i-build up ang suspense. Hintaying magmakaawa ang mga presidente ng mga bansa, mga diplomat, politiko, artista, doktor, manunulat, bago ituloy ang next season.

Para mapanatili ang world peace at mabigyang katahimikan ang aking libu-libong tagasubaybay, ay itutuloy ko na ang next season.


Sabi nila, ang mga napapailalim raw sa zodiac sign na Taurus ay hindi lang nagtataglay ng di mapantayang kagwapuhan at kagandahan, sila rin ay biniyayaan ng walang katapusang tigas ng ulo. Stubbornness, kumbaga.

At oo, may pagka-applicable ang kantang Your Song ng Parokya ni Edgar sa aking love story. One step forward, one step forward. two steps back lang ang nangyayari sa aking mala-telenobelang buhay pag-ibig. Tanging ina talaga.

Tuwing dumadating ang kaarawan nya ako ay tinotopak. Pero ok lang e, di ko naman sya nakikita. Matagal na rin hindi kami nagkaka-kamustahan. Ayos lang. Konting topak. Lilipas din. Wag ka lang babalik. Magpaparamdam. Mabubuhay nang bigla. Dahil ako naman ang mamamatay. Ulit.

Sinabi ko sa sariling wag na siyang batiin. Ayun, binati ko pa rin. Wag pupunta sa birthday ng dating kaklase dahil pupunta sya dun. Syempre, pupunta pa rin. Wag itetext. Wag itetext. Wag itetext. Ay naku, nagsawa na rin akong kakakontra. Bahala ka sa buhay mo. Itext mo, anak ka ng nanay mo.

Wag mong itetext dahil hindi rin magrereply. At pag minalas ka, baka magreply. Dahil kapag nagreply, magtetext ka ulit. Paano kapag hindi na nagreply…

Lahat ng pagkikita namin laging may time limit. Akala ko ba titigil ang oras. Hindi rin. Sandali lang daw sya dun. Bilisan ko raw sabi nila. Baka di ko raw maabutan.

Hindi ba mas mabuti na lang kung ganun?

___________________________________

Nakita ko sa kanto ang dati naming MVP. Pinsan ng may birthday. May asawa na sya.

“O, nandyan si ano ah.”

“Ah talaga?” Kunyari di ko alam. Ano ka ba, kaya nga ako pumunta e.

Parang ayoko nang tumuloy. Dapat pala tinapos ko na lang ang test matrices ko sa OJT. Dapat nagpakaburo na lang ako sa harap ng PC. Pano ba ako napunta dito? May project pa pala ako. Teka, wag na lang.

Teka, pare, may pupuntahan pa pala ako. Uy, di mo ba ako naririnig, ayoko na tumuloy!

“O ayan na si ninong!” sabi nung nag-imbita sa akin. Nakita na nila ako.

“Ninong!”

Taking fire. Need backup!

Fire in the hole!

Team, fall back!

Man down! Man down!

Ayun sya nakaupo. Kumakain. Ano ba itong pinasok ko. Eto namang si birthday inviter, nanggatong pa. Dun pa ako pinaupo sa tabi. Anong sasabihin ko? Ano bang dapat gawin? Tanging ina.

Virtual Memory Low. Increase page file size.

“Asan na ang regalo ko?”

Ngingiti ako. “Next time na lang,” narinig kong sinabi ko.

“O, ninong kain muna,” sabi ni birthday inviter. “Saan ka galing?” sabay abot ng pinggang puno ng pancit malabon. Sino ang kakain nun, ako? Nasusuka ako. Ayoko ko kumain.

“OJT sa Makati. Asan na yung iba? Si teacher’s daughter at registered nurse?” Umalis na raw. Nag-uusap siya at si assumptionista. OP ako. Ala pala akong tropa na darating. Isa itong set-up! Set-up! Nakatalikod sya. Lulunukin ko na lang itong pansit.

Nung lumaon nakausap ko rin sya ng konti. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganitong pagkakataon. Maya-maya naghanda na syang umalis. Binigay ko ang regalo ko.

“Hala. Joke lang yun, ano ka ba? Akin to?”

Hindi. Akin yan. O_o Akin na nga. Pinakita ko lang sa’yo e. Akala mo naman…

“Thank you.”

Thank you lang? oh, c’mon. tatlong bundok ang tinawid ko para dyan. Haha.

May pasok pa raw sya ng alas-siyete. Kailangan nya na umuwi. Nightshift sya. Hinatid namin sya sa sakayan. Konting usap. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganoong pagkakataon.

“Salamat sa gift ah. Nag-abala ka pa. Binibiro lang kita.”

“Minsan lang naman e.” Thank you lang? Thank you lang?

“Sabi mo yan ah.” Ngingiti sya. Ngingiti ako. All is well in the world.

_______________________________

Happy ending?

Asa.

Pagkatapos ng araw na yun. Naglaho na naman sya. Gone with the wind. Ok lang, ok lang. Wag ka magreply, ok lang. Wag ka magtext, ok pa rin. Mahal na ang piso ngayon, alam ko. E ano kung nilamon kang muli nang lupa. E ano? Mali, mali, mali. Ayoko na talaga. Oo, ayoko na sabi e. Nakakamanhid na.

Immortal na ako.

Pero hihimlay lang ako sandali.

Thursday, October 25, 2007

QA sa OJT

"Programming today is a race between software engineers striving to build bigger and better idiot-proof programs, and the Universe trying to produce bigger and better idiots. So far, the Universe is winning."
~Rich Cook


Abala ako nitong mga nakaraang araw. At magiging abala pa sa mga susunod.

Hindi ko na naasikaso ang blog na ito. Lalo na yung isa pang bago.

Sinasanay ko ulit ang katawan kong gumising ng maaga para pumasok. Hindi sa eskwela, o sa isang classroom lecture kung saan may prof, kundi sa trabaho na may grade din kapag lumaon.

Nag-o-OJT na si ninong.


Gigising ako ng alas siyete y medya. Gagawin ang ritwal sa umaga na almusal-noodtv-ligo-bihis pagkatapos ay aalis ng bahay ng alas otso y medya. Sasakay sa "shuttle" na nagkakahalaga ng halos kalahati ng aking arawang stipend. Kinse minutos at Makati na. Tapos halos kalahating oras para makarating lang ng Ayala Avenue mula sa DaangLangit dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan at mga stopover.

Bababa ako sa "second bus stop" na labinglimang hakbang lang ang layo mula sa "first bus stop". Hindi pwede magbaba ng mga tao sa "third bus stop".

Titingala ako at tatanawin ang matatayog na gusaling parang mga punong gustong abutin ang langit. Makikita ko ang mga taong tila butong pinapatubo ang mga gusali. Lalakad ako ng konti. Masasalubong at makakasabay ang mga taong nakapolo, nakapolo-shirt, naka-slacks, nakaformal, nakacorporate attire.

Bihira ang naka-tshirt sa Ayala Avenue. Hindi mukhang ninong si ninong sa Makati. Para siyang naka-camouflage. Halos lahat ay mga ninong at ninang, senador, kongresista at mga pangulo.

Depende sa oras ang bilis ng lakad ng mga tao. Kapag alas nuwebe pa lang medyo mabagal pero habang umaakyat si Haring Araw e bumibilis rin ang kanilang mga hakbang.

Dahil nasa kabilang kalsada ang Plaza ng Langit sa Makati, bababa ako sa isa sa kanilang ubod ng linis na tulay sa ilalim ng lupa. Maraming patalastas ang paligid nito at umaakyat mag-isa ang hagdan nito kapag pataas ka na. Dahil maraming labasan ang tulay may mga simbolo ng gusto mong puntahan para hindi mabiro ng mga engkanto.

Pag-akyat ay sasalubong sa akin ang Pasipikong Tore ni Rufino. Dito sana ako mag-o-OJT kaya lang pinaghintay ako ng isa sa mga kumpanya dito ng ilang araw. Sa pangambang magipit ako sa oras, hindi ko na sila kinulit. Nagsimula na ako sa ibang kumpanya nung tumawag sila at nag-aalok ng mas malaking pampalubag-loob.

Sayang.

Di bale, ipapabili ko na lang ang kumpanya nila kay sir Kokok kapag naging ubod ng yaman na niya. Tapos saka ako mag-oOJT dun para mas malaki na ang allowance ko.

Konting lakad pa at mararating ko na ang aking destinasyon. Papatingnan ko sa gwardiya ang aking mga dalahin, baka sakaling nadala ko ang aking C4. Lagi ko namang naiiwan.

Kahapon ko lang nakuha ang aking pansamantalang ID, bago yun ay ilang araw rin akong nagtyaga na iwan sa kanilang tagatanggap ang aking School ID kapalit ng isang Visitor ID.

May apat na mahiwagang pinto malapit sa lugar ng tagatanggap at papasok ako sa unang bubukas. Papasok ako sa isang maliit na silid na bumubukas ang pinto sa iba’t ibang dimensyon. Pipindutin ko ang simbolong "4" at maghihintay.

Bubukas ang pinto. Makikita ko ang salaming pintong may batobalani. Nakapinid ng mabuti ang pintuan. Mabuti na lang at binigyan ako ng agimat para lampasan ang balakid na ito. Isang maliit na parihabang kulay puti. Itatapat ko ito sa pindutang umiilaw ng kulay pula. Magiging luntian ang ilaw at bubukas ang mahiwagang pinto.

Bilang patunay sa aking presensya, ililista ko sa isang papel ang oras ng aking pagdating katapat ng aking pangalan. May sumumpa ata sa kanilang mahiwagang tagalista ng presensya kaya ang mga tao’y nagtitiyaga sa mano-manong paglilista.

Whew. O_O.
____________________________

Walong araw na ako sa kumpanyang ito. Teloworks Inc. Philippines. Ang dating pangalan nila ay Enterworks pero nagkaroon ata ng merge kaya nabago ang pangalan.

Total hours logged : more or less 70 hours kasama na ang lunch break.

Trabaho : QA

Ano ba ang QA? Qute at appealing? Question and Answer? Quezon Ave.?

Ang QA ay tumutukoy sa Quality Assurance. Tawagin mo na akong mangmang pero nung isang taon, kapag sinabi mong QA, ang naiisip ko ay yung taong nasa conveyor line na tumitingin sa mga piyesa kung pasado ba ito sa quality tapos tatatakan ang produkto ng stamp na may nakalagay na Quality Checked.

Pero hindi lang pala panghardware ang QA. Dahil kahit ang Software Development ay mayroon ding Quality Assurance. Dahil wala namang taong perpekto at lahat ay nagkakamali, hindi imposible na ang isang program ay magkaroon ng maraming errors o bugs.

Minsan sa paggawa ng program mahirap i-anticipate lahat ng magiging mali lalo na kung ikaw ang gumawa ng program code. May mga bagay kasi na madaling ma-overlooked. Kung maliit lang ang program madali lang itrace kung saan at ano ang mali. Pero habang lumalaki ang program, mas humihirap rin ang pagdebug dito.

Kaya naman may separate group ng mga taong magchecheck ng nagawang program para makita ang mga bugs at maisaayos ang mga ito. Ang tawag sa kanila ay mga Qute at Appealing este Quality Assurance.

In short, ang trabaho nila ay siraan ang software... este ang maghanap ng butas at ng mga mali.

At dahil Qute nga ako (bawal umangal) at hmmm...sige na nga, umaamin na ako, Appealing na rin, sa QA ako napunta.

Friday, October 12, 2007

The Long- Awaited Comeback Post Part 1

"My mind is like lightning... one brilliant flash and it's gone."
~Anonymous

Kamusta na kayo?

Tila kay tagal ko ring nanahimik sa blog na ito. Nag-iinarte pa ako nung huling post ko ah. Haha.

Minsan raw dumadating sa isang tao ang panahon na ayaw nyang gawin ang ilang bagay na palagi nyang ginagawa kahit gaano nya kagusto dahil sa ayaw nya lang gawin. Baka kapag napigil nya ang sariling gawin yun e kahit paano nasa kanya pa rin ang desisyong piliin kung anuman ang gusto nya gawin at di lang dahil pakiramdam nya ay kailangan nyang gawin yun..

Malabo? Di ko rin naintindihan e.

Sa mga gustong malaman ang mga nakaraang pangyayari sa aking buhay, hindi ko kayo bibiguin. Bibigyan ko kayo ng ubod ng habang comeback post para naman hindi na kayo magtampo.

So, ano na nga ba ang nangyari?


Monday, September 24

Unang araw ng napaka- ubod ng habang 1-week sembreak mula sa MapĂșa.

Sa sobrang bilis, parang mas mahaba pa ang pagtype ko ng post na ito kaysa sa panahong ititimbre ko sa bahay sa buong linggo na iyon. Bukod sa enrollment week din ang linggong iyon, kailangan ko pang maghanap ng kumpanya na papasukan para sa aking OJT, ang huling balakid sa mumunting papel na tinatawag nilang diploma.

Kabado ako. Mag-isa kong tutunguhin ang lungsod ng Makati upang maghanap ng kumpanya. Bihira lang ako sa Makati. Di ko alam ang lugar. Ang alam ko lang ay papunta pero ang pabalik, hindi. Lalo na ang paikot-ikot nito. Ayoko magpasama o humingi ng tulong dahil may topak nga ako. Gusto ko ako mag-isa.

Bago gumala, tumingin ako sa internet ng mapa ng Makati. At ini-sketch ito sa papel. Minarkahan ko ang isa sa mga kumpanya na nakalista sa kinuha kong List of Accredited OJT Companies mula sa department. Binalak kong unahin ang Level-Up sa Pacific Star Building. Kasi sabi sa akin nainterview agad yung mga nag-apply ng ojt dun.

Gusto ko sana magsimula na agad. Bali-balita kasing madaling kapusin sa oras kung matatagalan ka sa paghahanap. 240 hours ang requirement. Anim na linggong walang absent o overtime. 11 weeks lang ang isang term. 10th week ang defense. Ibig sabihin dapat pagdating ng Week 3 o 4, nagsisimula na ako.

Bukod sa Level-Up, minarkahan ko rin ang Petron. Maganda raw dun mag-ojt sabi nung isa kong kakilala. Tapos minarkahan ko rin ang Accenture.

Malabo ang sketch ko. Minadali ko kasi. Sabi ko pagdating na lang sa Makati ako mamomoblema.

Gumising ako ng maaga. Mga alas-otso. Almusal. Ligo. Bihis. Nagpolo ako. Sabi rin kasi sa akin na mas maganda kung naka-semi formal ka habang naghahanap ng OJT para mukhang presentable. Baka interviewhin din agad kasi. Blah blah blah.

Maraming daan papuntang Makati. May bus sa SLEX, MRT papuntang AYALA, bus sa Buendia, jeep, fx… At meron ring mga van o shuttle kung tawagin. At may sakayan nito malapit sa amin. P45 ang pamasahe kahit san ka bababa. Dadaan raw kasing SKYWAY.

Ooooh.

Nung nagbayad ako sa “dispatcher”, sabi ko sa Landmark ako bababa. Yun lang alam kong lugar e. Hahaha. Halatang taong-bahay. Binigyan ako ng “stub”, isang piraso ng kulay pink na papel (2x2) na nababalutan ng Scotch tape at may stamp ng kung ano mang asosasyon nila. Baka Samahan ng Mga May-ari at Drayber ng Colorum na Van at Shuttle Papuntang Makati Assoc. of the Philippines.

Tapos.

Sumakay ako at sinilip ang aking munting map sketch. "Ok, eto na tayo," sabi ko sa sarili.

Binagtas ng L300 van ang kahabaan ng SLEX at SKYWAY hanggang marating ang Makati. Nakaidlip ako dahil medyo puyat din. Na naman. Umikot ang sasakyan sa may Arnaiz Avenue. Nakita ko ang Fujitsu, isa sa mga kumpanyang pwede ko aplayan. Naisip kong puntahan na lang yun mamaya.

Dumating kami sa Landmark. Pano ko nalaman? Sabi nung drayber e. Haha. Landmark na raw yun. Napansin kong hindi bumaba lahat ng pasahero. Kaya naman hindi rin ako agad bumaba. Naisip kong aantayin ko na lang bumaba yung mga pinakahuli. Para malaman ko na rin ang ruta ng shuttle na ito. Wais ata to.

Dumaan ang van sa Paseo de Roxas hanggang kumaliwa ito sa may Ayala Avenue. Nakita ko na ang mga matayog na gusaling tila tatak na ng Makati. Nakakalula kahit tumitingala lang ako. Siguro hindi halatang baguhan ako kasi tinanong ako ng katabi ko kung ang babaan nung papuntang Rufino. Sabi ko, "ah, dun lang po yan sa ano... sa... ah... dun sa... manong drayber, saan daw yung papuntang Rufino?"

Nung bumaba sya dun sa tinatawag nilang Bus Stop 2, bumaba na rin ako…

(itutuloy)

Saturday, September 22, 2007

Ad Lib

Ang post na ito ay diretso kong tinatype sa blogger. Karamihan, kung di man lahat, ng mga post ko ay nakatype muna sa MS Word bago kina-copypaste sa blogger. Nakakatrauma kasi pag napakahaba na ng post mo tapos biglang hindi mapu-publish. Tapos di mo pa nasave sa kung saan. Uulitin mo na naman ang post mo.

E bakit nga dito ako nagtatype ngayon?

Ngapala, natanggap ko na ang aking bagong bago at makinis pang bloghost at domain. Naaalala ko nung bago ako sumali sa kontes, tiningnan ko yung prize, waw, webhosting at domain... kewl! kapag nanalo ako astig, may domain na ako.

pinalad manalo ng domain at hosting. 1 taon. kakakuha ko lang last week.

ano na pagkatapos?

buhay na yung domain pero wala pa ako talagang nailalagay na laman. isa sa mga dahilan siguro ay dahil medyo abala ako sa academics. ayaw ko na bumagsak e. so medyo backseat muna ang blogging.

natapos na ang Finals week. Di ko pa nakikita ang grades ko. Natapos naman nang malumanay ang mga defense ko. Sana ok na. Kung magiging ok ang lahat, OJT na lang ang subject ko next term. 240 hours at isang docu at defense, tapos na ang B.S. Computer Engineering.

lagi akong may pakiramdam na hindi ako handa. gaya na lang nung napanalunan ko yung webhosting at domain, di ko alam ang gagawin pagkatapos. yung OJT, ang paggraduate.

ano na pagkatapos?

naisip kong hindi pala planado ang buhay ko. may mga nakakausap ako at ang dami nilang naiisip na gagawin pagkatapos nito, pagkatapos nun. ako, naglalakad sa buhay nang nakapiring.

meron bang fear of planning? meron ata ako nun e. parang kapag nagplano ako, hindi mangyayari yung pinaghandaan ko at sayang lang ang paghahanda. alam kong mali ang ganung paniniwala pero di ko mabago yun.
that by procrastinating, the things I dread will come to pass.
bakit nga ba nagpapaka-oa ako sa mga ganitong bagay. ?_?

Friday, September 14, 2007

Hell Week na naman?

Do you ever get the feeling that the only reason we have elections is to find out if the polls were right?
~Robert Orben

Hindi talaga ako mahilig mangampanya.

Kaya naman hindi na kita pipilitin na iboto ako bilang Blog of the Week # 73 sa site na ito. Kahit na nangungulelat ako sa polls, hinding-hindi na kita pipilitin. Kahit na gusto ko lang naman e kahit hindi na ako manalo dun e huwag naman ako masyadong mapahiya. (insert smiley here)

Wala namang premyo ang botohan na yun. Mas sisikat lang ako ng konti. Konti lang naman. Mas makilala rin kahit pano. Mga additional 2.834% na magiging household name ang blog ko. Bukod dyan, magkakaroon pa ako ng handy-dandy badge na mailalagay ko dito sa blog ko bilang patunay na marami akong nakonsensya.

Paano ba bumoto? Hmmm... di ko pa sigurado kung gumagana yung nilagay ko dun sa sidebar. Pero try nyo na lang. Check yung box tapos click vote. Pag di gumana, dun sa site na lang. Alam mo bang mas matagal pa ang pagbasa mo sa pangungusap na ito kaysa sa pagboto mo? Haha.

Isang araw na lang ata ang nalalabi para iangat nyo ang estado ko. Pero ok lang kung tinatamad ka. Ok lang kahit ayaw mong bumawi sa hindi mo pagboto sa wika2007 entry ko. Ok lang talaga. Pero matutuwa lang naman ako pag binoto mo ako.

Di pa ba sapat yun?


Wala nga palang kinalaman ang intro at ang quote sa main entry.

Patapos na naman ang isang term sa MapĂșa. Patapos na rin ang tinaguriang Hell Week ng mga estudyante. Sa isang Quarterm, yun ay kadalasang natatapat sa 10th week, yung linggo bago magFinals week. Sa linggong ito lahat ng mga instructor ay nagkakaroon ng kontsabahan para sabay-sabay na magcheck ng mga projects, magpagawa ng mga portfolios at higit sa lahat, magpahabol sa kani-kanilang mga estudyante.

Mahahalata mo na hell week na sa amin kahit hindi ka MapĂșan. Ilan sa mga palatandaan ay ang mga sumusunod na nilalang:

  1. Ninong clones. Kung dati yung mga GC (Graduating Cunyari) students at mga professors lang ang nakapolo o kaya nakacorporate attire, makikita mong pati ang mga nene at totoy ay nakabihis na parang pupunta ng kasal o binyag. Minsan makakjackpot ka at makakatyempo pa ng nakabarong. Under kay Ma’m Fairy Tale yun madalas. Nagbarong din ako dati e.

Attack: 15 Defense: 25
Weak against: Prototypists

  1. Rush mode. Maraming tumatakbo sa loob ng school o kaya mga mabilis maglakad. Kung lalaki, dalawang baitang ang bawat hakbang nila sa hagdan. Mga pawisan, humahangos at hinihingal. Basa ng pawis ang mga damit. Kumakain ng sorbetes habang naglalakad. Ito ang mga taong nagmamadali para sa defense, sa exam o kaya mga tulad ko na na-late sa klase dahil “trapik”.

Attack: 25 Defense: 5
Strong against: Abangis

  1. Abangis. Malalaman mong hell week na kung makikita mo ang mga ito. Mga taong nakatambay sa labas ng mga faculty room, sa labas ng dean’s office, sa labas ng mga classroom o kahit sa labas ng C.R para lang masilayan ang kanilang mga professor na biglang nagteteleport naglalaho kapag hinahanap.

Attack: 5 Defense: 5
Weak against: All types

  1. Prototypists. Mga taong gumagawa ng prototype o machine problem mula sa school of EE-ECE-COE. Nahahati sa apat na kategorya.

1. Solderers –Nagtutunaw ng solder lead para sa mga PCB nila gamit ang soldering iron. Kadalasang malalamlam ang mga mata dahil nakakalanghap ng tingga. Mainitin ang ulo, matatalim ang ngipin. naangangain ng usisero.

Special ability: Nanununog ng kilay. Solder Gun.

2. FeClers – Mga taong umiihi sa lababo, sa sahig ng CR, sa corridors, sa maliliit na planggana o sa mga tupperware gamit ang kanilang mga Ferric Chloride solutions. Kulubot at naninilaw ang balat sa mga palad. Galit kay Sir Angas o kaya kay Sir Zzexe.

Special ability: Nangangalmot. Chemical spray.

3. Programmers – Mga gumagawa ng machine problem. Armado ng kanilang mabibilis na daliri at makabagong teknolohiya, sinusubukan nilang gumawa ng mga virus para atakihin ang firewall ng MapĂșa upang ihack at ipasa ang kanilang C++1, C++2, Assembly, Compiler o Software Engineering laboratories kahit hindi gumana ang kanilang mga ginawang project.

Special ability: Nambabato ng mouse. Syntax error.

4. Moral Supporters – Mga nagpapanggap na tumutulong. Nag-aalok ng malaespiritwal na suporta. Madalas wala sa mga overnight. Madalas di mautusan. Madalas wala. Pwede rin laging nandun, mga usiserong nakatingin sa kanilang mga kagrupong abala sa paggawa. Minsan tagagawa ng documentation, tagapakain, nagpapahiram ng bahay, financer, kontratista, girlfriend, boyfriend o kaya naman e none of the above.

Special ability: Parasitism.

At yan ay ilan lamang sa mga nilalang na naglilipana kapag hell week (inaantok na ako e). Sa loob ng isang linggo, maaaring magpalipat-lipat ng anyo ang mga ito depende sa subject, year level at uri ng mga kagrupo. Matapos makakuha ng sapat ng EXP (Experience Points) ay nag-eevolve ang mga ito tamang-tama lang para umabot sa Finals week.

Thursday, September 06, 2007

Victory Post

“If at first you do succeed, try not to look astonished.”
~Anonymous

(insert picture here some other time)

Dahil lahat ng nananalo ay kailangan may speech.

Kung hindi mo pa alam, nanalo po ako ng 3rd prize sa wika2007 blog writing contest para sa akdang “Ang Obra”.

Yehey! Clap clap.

Nakakahiya naman...hihi.

Noon, akala ko magaling ako. Ngayon, alam ko nang magaling talaga ako.

Hahaha. Toink!


Nagpapasalamat ako sa mga bumoto sa entry ko.

Mga 37 sila maliban sa akin at sa kapatid kong ipinagplantsa ko pa ng uniporme para lang mapilit na iboto ako. Salamat sa mga taong bumoto matapos kong pagbantaan ang mga buhay nila at dun sa mga natakot maisumpa sa kawalan. Salamat sa mga napilitan at nakonsensya sa mga pasaring ko. Di ako mananalo kung hindi ko kayo napilit. Hehe.

Hindi ko kilala yung iba sa mga bumoto sa akin dahil hindi naman sila nagparamdam sa blog ko. Pero maraming salamat sa inyo. Salamat din kina paolo, tannix, tina, sir armand, sherma, timlight at mga taga-bodega. At yung iba pa para sa moral support.

Sa mga taong hindi bumoto sa akin, salamat na rin. Huhu. Alam nyo kung binoto nyo lang ako, baka nakabingwit pa tayo ng grand prize. (bitter) Malapit lang ang labanan e. Halos magkakalapit lang ang scores. Sayang. Tsk tsk. Haha. Pero ok lang. Bati ko pa rin kayo. Hmmph!

Nagpapasalamat ako sa mga judges.

Nagpapasalamat dahil pangalawa ako sa ratings nila. Sa 57 na sumali, pangalawa ako para sa mga huradong ito. Isang karangalan para sa akin na na-appreciate nila ang ginawa ko. At nagustuhan nila ang aking halo-halo.

Salamat din sa mga organizers at sponsors sa pinoyblogosphere.com na bumuo sa paligsahan na ito. Sana magkaroon ng marami pa.

Congrats rin ngapala sa iba pang mga nanalo tulad ni Ynon (na bumoto rin sa entry ko) na second prize para sa "Naykupu" at kay Ding Fuellos na grand prize para sa "Tungo sa Pagbabanyuhay".

Salamat sa Sinangag Express para sa Tapsi na naging hapunan ko habang ginagawa ang blogpost ko. Salamat sa Smartbro na hindi nagloko kaya umabot pa rin ang entry ko. Salamat sa Sukob na palabas sa t.v. at naririnig ko sa likod ko habang ginagawa ang entry na yun. Baka nakatulong ang mga sigaw ni kris aquino at claudine baretto para makapag-isip ako.

Salamat sa Lycee D' Regis Marie kung saan ako nag-aral ng elementary at sa direktor na si jenalyn aboga. Sa mga kras ko nun salamat din. Pati dun sa gumanap na Sergio Osmena. Kung nasaan man kayo, nandun kayo.

Salamat sa lahat ng taong kilala at di ko kilala. Lahat tayo ay magkakaugnay. At higit sa lahat, World Peace!!!

_________________________

Bukod sa prize money ay may kasamang 1yr domain registration at 100mb hosting na premyo ang mga nagwagi sa patimpalak. Ibig sabihin, pagkatapos ng matagal na pangangarap at pagkainggit sa mga taong may sariling domain mula ng makita ang site ni Ronibats, o kaya ni Namre, magkakaroon na rin ako ng akin.

Problema ko ngayon e kung ano ang gagamiting domain name. Weakness ko kasi ang magpangalan ng mga bagay-bagay, unless professor ko sya. Yun madali yun. May nakauna sa ninong.com e. Malamang. Hmmm… Any suggestions?


Thursday, August 30, 2007

Plant Visit Part 2



may tama na...

Bago ang lahat, nais kong sabihin na hindi pala ako umiinom. Masyado. Bihira lang. Di rin ako nalalasing. Masyado.

Nung gastro (excursion sa skulpaper) dapat malalasing ako ng sobra. Baka, napa-"pare" na rin ako gaya nung iba. Haha. Kaya lang hindi natuloy e. Nagkatrangkaso ako bago ang inuman. Haha. Galing no? Convenient.

Kaya naman, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko pag may tama na ako.

Pero nasagot na rin ang misteryo na yun kahit pano. Dahil sa plant visit nung nakaraang biyernes, ngayon ay alam ko na. Kapag lasing pala ako…


Ako ang hari ng videoke.


At gaya nga ng nakagawian ng mga naunang graduating class, ang side trip ng plant visit ay…*drumroll*

Swimming.

Dahil nasa laguna na kami at galing ng APC dahil sa plant visit, sa calamba na rin kami dumiretso. Naglipana na ang mga private swimming pool at resorts sa Laguna. Palagay ko, sa sobrang dami ng mga resorts dito, mauubos mo ang isang taon kung dadalawin mo ang isa kada araw.

Pumunta kami sa isa sa mga resort dun. Dun sa… hmm… sa… Sa totoo lang, di ko matandaan ang pangalan nung resort. Basta Villa-something-something. Kadalasan yun naman mga pangalan ng resort dun e.

Maganda naman yung lugar. Malaki ang pool kahit mababaw lang. Ayos lang dahil lublob lang ang alam ko. Di ako marunong lumangoy e. Lulublob lang ako para mabasa naman ang buhok ko. Hehe. May dalawang cr sa baba. Tapos may dalawang kwarto daw sa taas. May mga table. Mayroon ding pool table sa tabi…

At may videoke.

Libre daw ang maglaro ng bilyar. Kaya habang nagpapalit ang mga nangangati nang lumublob lumangoy, e nagpalitan na sa 2 tako ang mga adik sa bilyar. Tulad ko. Apat na beses ako naglaro. Apat na beses nanalo. Doubles naman kasi. At matagal na ring hindi naglalaro ang mga tao.

Nagsimula na ang presidente namin na magdistribute ng inumin. Granma ang tawag nila sa inumin. Softdrinks na coke o royal ang chaser. Hmmm…

Para saan nga ba ang chaser? Di ko kasi alam e.

Ginamit nila yung takip ng bote. Ikinabit sa tinidor para maging sukat ng shot. Wala akong alam kung ilang ganun kada shot. E inom lang ako ng inom.

Sabik malasheng.

Mainit sa sikmura. At masarap ang coke. Haha. Naglalaro pa ako ng bilyar nung una. Walang kumakanta sa videoke. Isang tao lang, yung kaklase naming babae. Naisip ko, kakanta ako mamaya siguro. Hiya ako e.

Mamaya-maya, lumangoy lumublob na ako sa pool. Tama ang rinig ko, patraydor daw ang lola. Nahilo-hilo na ako. Naka-ilan na ba ako? Hmmm… Umahon ako sa pool, uminom ulit. Nag-antay makalaro ng bilyar. Antagal nila maglaro. Mga lasheng na rin ata e.

Dumampot ako ng limang piso. Hinanap ang listahan ng kanta. Pinakamadaling kantahin pag videoke e kanta ng mga banda. Kasi alam ng mga tao. Hindi ka magtutunog alien. Gusto ko sana kumanta ng mga oldies kaya lang baka magpatiwakal silang lahat o kaya patayin nila ako. Haha.

Kaya kinanta ko ay kanta ng mga banda. Partikular ang eraserheads. Nung una medyo mahina pa ang boses ko… pero nung walang pumigil sa akin at walang bumasag sa screen e nagtuloy tuloy na ako. Pare Ko, Tag-ulan, Kaliwete at kung ano-ano pa. Wala pa ring pumipigil sa akin. Wala pang nagbabato ng bote. Wala ring nagbabantang burahin ako sa ibabaw ng lupa.

Hindi ko tinitingnan yung mga score. Random generator lang ang dating e. Rigged kumbaga.

Para naman mamiss nila ang boses ko, lumublob ako sandali sa pool. Pero tinatawag ako nung videoke e. Haha. Ayun. Napaghalata na nilang lasing ako. Kasi tuloy-tuloy na ang kanta ko tapos sumusuray daw ako. Pero wala namang nagbato ng kung ano. Inaagawan lang ako ng mikropono ng mga taong lasing na rin. Pero ako pa rin ang hari.

Pinapalakpakan na nila ako nung bandang huli. Kinakawayan ko na kasi sila. Haha. Pinapatigil na ata ako.

Mga bandang alas-syete na nung umalis kami nung resort. Nakapagligpit pa ako bago umalis kaya hindi naman talaga ako lasing. Tipsy lang. Parang antok. Nung nakatulog ako, paggising ko, wala na masyadong tama. Nakauwi naman ako ng maayos pagkatapos.

Sabi nila, ngayon lang daw nila ako nakitang nalasing.

Haha, ako man.

Saturday, August 25, 2007

Plant Visit Part 1

Tapos na ang botohan. At di mo ako binoto. Oo, ikaw.

Tamad ka. Tsk tsk.

Ayoko na. Tampo na ako sa’yo. Kapag ako ay hindi nanalo, sisisihin kita. Lahat ng hindi bumoto sa akin ay magsisisi… magdurusa… mag-iisip na sana nagclick sya sa aking entry at bumoto.

Pero wala nang pagkakataon pa.

Magkalimutan na tayo.

Hahaha.

Biro lang. Pero pag nanalo ako, hindi ko kayo kilala.

Hahaha ulit.

Pero di biro yun. Hahaha pa rin.

Hmmm… Kahit na hindi ako binoto ng karamihan sa inyo… umabot ako siguro sa mga top 11 o mas mababa dun. Ok na rin. Kaya pa.

Oo, ok na. Bati na tayo ulit.
______________________________

Nagkaroon ng plant visit ang aming graduating class nung nakaraang biyernes.

At gaya ng nakagawian, lahat ng plant visits e may “sidetrip” na tinatawag.

Nagsimula ang araw na gaya ng ibang nagdaan. At si ninong, sa sobrang aga ng gising e parang hindi na natulog. Puyat na naman.

Pero 6:00 am daw kasi ang call time. 6:30 raw aalis ang bus.

At si ninong, na hindi na natuto at ayaw paiwan sa bus ay umalis na ng bahay ala-singko pa lang. Tamang-tama 6 :00 impunto nasa skul na sya.

PERO ang bus ay umalis ng 8:15 am. Hinintay pa nila ang kaklaseng 6 am na nang nagising.

Ang Mapuan time, lagi talagang delayed.

Nakarating kami sa APC mga bandang 10 am na siguro. Sa Canlubang, Laguna daw yun pero ang dinaanan namin ay yung Silangan exit. Bale yung lugar ay isa sa mga bagong Industrial zone sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon). At may mga bago nang pabrikang nakatayo dun.

Isang testing facility ang APC at bahagi ng Atmel Corporation na gumagawa ng mga semiconductors at Integrated Circuits. Bale ang tinetesting nila dun ay yung mga wafers o kumbaga yung “mapa” ng mga circuit. Temperature testing, stress testing, mga ganun.

First time raw ng APC tumanggap ng plant visit request. Kaya naman kahit sa seminar nila sa amin parang medyo nangangapa sila. Kahit anong pilit ko, hindi ko matagalan ang atensyon ko sa mga sinasabi nila. Pero nakuha ko naman yung gist, kaya ok lang.

tulog na...

Tapos, syempre may line tour. Tiningnan namin yung ibang ginagawa nila sa pabrika. Baka kasi hindi totoo. Hahaha.

Napansin kong ang mga machine operator nila puro mga bata pa… mga nasa 20’s lang. Mga graduate kasi ng technical courses ang kinukuha nila at binibigyan ng training. May mga cute, sabi nga nung kasama ko. Mas marami sa kanila ay babae. Sabi nga nung kaklase namin e dun na raw sya magtratrabaho. Hehe. Parang nakita ko na rin ang ginagawa ni Jocelyn sa trabaho nya.
Maayos ang assembly line nila. Metikuloso. Interesante. Talagang mahigpit at maingat. Sensitive kasi ang mga wafers sa static at dirt. Sabi nga nung guide, hanggang .5 microns lang ang diameter ng alikabok na tolerable sa ilang rooms nila. I-imagine mo na lang.

Sa unang tour, pinakita yung probe testing na ginagawa nila sa mga wafers. Dun sa pangalawang tour, pinakita naman yung “assembly line” nilang matatawag. Mahal raw ang mga makinang ginagamit… nasa six figures at dollars ang halaga bawat isa.

Ang nakakatuwa, pagkatapos ng tour ay meron pang pagkain. Oo. Nagulat ako. May meryenda na, may lunch pa.

Yun nga lang parang minaliit nila ang kakayahan ng mga Mapuan mag-imbak ng pagkain sa mga bituka nila. Kasi naubusan yung iba ng ulam para sa tanghalian. Buti na lang ibinalik nung iba yung sobrang kinuha nila. At naging maayos ang lahat nang walang foodfight, batuhan ng plato o kaya sasaksakan ng mga tinidor.

2 pm na kami nakaalis na pabrika…para mag-“sidetrip”.

(ITUTULOY...)

Monday, August 20, 2007

Attempts

What would you attempt to do if you knew you could not fail?
~Dr. Robert Schuller

Hindi na ako umaasang manalo sa pakontes ng wika2007 sa pamamagitan ng mga votes. Una sa lahat, popularity-wise, hindi naman ganun kasikat ang blog ko. Siguro dati. Wahaha. Nung huling tingin ko, may mga entry dun na lampas na sa 50 votes. Hindi kita kinukonsensya. Alam kong wala kang pake sa akin. Wahaha.

Nakonsensya ka na?

Alam ko rin na ang mga ka-link ko rito ay halos kapareho ko, walang hilig bumoto. Kaya kahit paano, ayos lang. Oo, ayos lang. Ayos lang sabi e… kulit mo. >_<

Kung gusto mong makatama sa dartboard, kahit di ka marunong sa darts, e bato lang ng bato ng dart. Mayroon ding tatama dun. Kaya gumawa ako ng entry para sa paligsahan na yun…at binato ko sa kanila… este sa dartboard.

Tumama kaya?

Umaasa akong magandahan ang mga nagbasa sa nilalaman nung ginawa ko. Kahit yun na lang.

Hmmm… gumaan ang pakiramdam ko at nakapagblog ako ulit. Medyo cramped na rin ang utak ko kakaisip ng kung ano-anong bagay. Natuklasan ko na hanggang wala akong sinisimulan e wala naman talaga mangyayari. Walang silbi ang mga plano kung di ka naman talaga magsisimula.

Subukan mo. <--kausap ko ang sarili ko?

Anyway.

Pinasadahan ko ang aking inaagiw nang link list at nagparamdam sa mga nakasalamuha ko nung ako ay nagsimulang magbloghop mga bandang March. Marami sa kanila ay nandyan pa ang blog, pero may mangilan-ngilang mga burado ang buong blog… hindi ko na alam kung saan na sila naroroon. At hindi ko alam kong bakit binura nila ang blog nila.

Sentimental lang siguro akong tao, pero di ko magawang burahin ang mga blog ko. Ginawan ko pa nga ng back-up yung mga posts ko. Just in case.

Habang nagblobloghop, napansin ko rin may mga naka-link sa akin na di ko naramdaman ang presensiya sa sarili kong blog. Kahit tag o comment, wala silang iniwang bakas. Para silang mga apparition…now you see them, now you don’t.

Syempre may mga “faithful” pa rin. Dumadaan at nagpaparamdam dito. Yehey. Clap clap. Ako’y bumalik, bumabalik at babalik dahil sa inyo...

May mga lumipat na ng blogsite, may nagkaroon ng sariling domain, may mga kapareho ko na nandun pa rin ang blog pero kasabay ko rin halos nung nawala… hiatus daw ang tawag nila dun.

Bumalik na ako. Babalik pa ba sila?

Saturday, August 18, 2007

Ang Obra

Ang post na ito ay aking isasali ko sa Wika 2007 Blog Writing contest ng Pinoy Blogosphere. Sana manalo. Hahaha. Gusto mo akong tulungan? Pwede. Kailangan mo lang akong iboto. Pero saka na natin pag-usapan yan, basahin mo muna ang aking kwento. n_n Sa August 20 pa naman ang botohan.

(update: Maaari ka nang bumoto DITO)



Nung nagsabog ang langit ng iba’t ibang wika, isa ang Pilipinas sa nauna sa pila. Dala-dala nito ang isang malaking bayong upang paglagyan ng mga wika. Hinakot nito ang karamihan sa mga wika: Tagalog, Hiligaynon, Cebuano, Ilokano, Bikol, Kapampangan, Waray, Maranao at iba pa.

Natawa ang ibang bansa dahil sa dami ng kanyang kinuha. Nag-aagawan naman ang ibang bansa para makuha ang Ingles, Mandarin at Russian.

Sabi ng Alemanya pagkakuha nito ng wikang Aleman, “Pilipinas, ang dami mo namang kinuha. Aanhin mo ba ang mga iyan? Isa lang naman ang kailangan natin para mabuo.”

Ngumiti ang Pilipinas habang tangan ang mabigat nitong bayong at pagkatapos ay sinabi, “Gagawa ako ng obra.”


Walong taon na rin ang lumipas nung una akong nasabak sa pag-aartista. Walang film, walang kamera, wala naman talagang pelikula. Pero may pagtatanghal sa munting stage ng aming paaralan.

Pagdiriwang kasi para sa Buwan ng Wika.

Bilang paggunita sa okasyon, nagkaroon ng munting programa pagkatapos ng flag ceremony. Ok lang sa mga estudyante, kasi walang lesson kapag may program. Yehey! Sino bang gugustuhing maburo sa loob ng silid-aralan at kumopya ng lecture habang nanood ang iba ng palabas sa stage. At malapit lang ang canteen sa quadrangle. Pwede ka pang mag-almusal habang may show.

Iba-iba ang pagtatanghal na ginawa ng bawat baitang…may mga sumayaw, may mga tumulang parang kumakanta at mayroon din namang kumanta na parang tumutula.

Lahat sila kumpleto with Filipiniana costume. Makabayan rin kasi ang mga tao kapag buwan ng wika.

Kami naman ay nagbahay-bahayan este nagdula-dulaan sa stage. Ginawa naming mala-telenobela ang buhay ng dating pangulong Manuel L. Quezon na tinaguriang Ama ng Pambansang Wika. Napilitan akong gumanap na Quezon dahil kaaway ng direktor naming babae yung isa naming kaklase na pwedeng sanang gumanap sa role.

Ayos lang, naisip ko, dahil mayayakap ko naman yung dalawang crush ko dati. Gaganap kasi sila bilang asawa at anak ko. Hahaha. Oh, the joys of elementary crushes. Hahaha.

Mahaba rin ang dula na yun dahil hanggang pagkamatay ni Quezon sa Saranac Lake sa kasagsagan ng World War II ay inabot namin. At siyempre nadaanan din ng dula na yun kung paano at bakit itinulak ni Manuel Quezon ang pagkakaroon natin ng isang pambansang wika.


Sabi nila, mahigit sa isangdaan at pitumpu (170) ang mga wika sa nagkalat na mga pulo ng Pilipinas. Na tayo ay nabuklod sa iisang pagkakakilanlan sa kabila ng ating pagkakaiba sa wika ay isa nang malaking tagumpay para sa ating bansa. Ito ay patunay na hindi hadlang ang mga pagkakaiba ng mga salitang namumutawi sa ating mga bibig upang tayo ay magbigkis at magkaisa. Marahil nga ay hindi madali ang daan, pero pinakita nating hindi rin naman imposible na tahakin iyon.

Maraming wika, matatag na bansa.

Kagaya ng isang halo-halong sumasarap dahil sa iba-iba nitong rekado, ang ating kultura ay makulay dahil sa iba-iba nitong wika. Isipin nyo na lamang ang halo-halong gawa lang sa yelo at condensada. Maaaring may lasa ito, pero hinding-hindi maikukumpara sa sarap ng tunay na halo-halong may leche flan, pinipig, garbanzo, ube, langka, nata de coco, saging, gelatin at iba pa. Hindi naging masama ang pagkakaiba ng mga rekado sa lasa ng halo-halo, bagkus pinagyaman ng iba’t-ibang halo ang linamnam nito.

Maging sa paghahabi o sa pagpipinta, ang isang magandang disenyo ay hindi nabubulid sa isa o dalawang kulay lamang kundi sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay at dibuho o pattern upang makabuo ng isang obra. Hindi nakakabawas sa ganda ng obra o habi ang iba’t- ibang kulay, bagkus ay nakadaragdag pa ito sa kagandahan ng disenyo.

Maraming wika, matatag na bansa.

Ang pagkakaiba ng ating wika ang nagpapatunay na mayaman ang ating kultura at dapat ipagmalaki. Ang pagkakahiwalay ng ating mga pulo ay hindi naging hadlang upang tayo ay makilala bilang isang bansa. Ngunit matagal ang panahong inabot upang makamtan ang pagkakaisang ito. Mahigit na tatlong siglo tayong napasailalim ng mga Kastila dahil hindi tayo agad nagkaisa.

Pero wala namang obra na minamadali. At ang ating pinipintang dibuho ay hindi pa tapos.

Pinangarap ni Manuel Quezon na tayo ay mabuklod sa iisang wika. Pero bagaman tayo ay binubuklod ng wikang Filipino, pinatatatag naman tayo ng ating iba’t ibang wika. Dahil pinapakita nito ang ating kultura na pinamana ng ating mga ninuno. Kultura na siyang ating pagkakakilanlan. Iba-iba man ang ating mga wika, habang kinikilala natin na tayong lahat ay mga Pilipino, tumatatag ang ating bansa. Dahil kung maipagmamalaki natin ang ating pinanggalingan, taas-noo nating tutunguhin ang kinabukasan.


(Nagustuhan mo? Kahit hindi, pwede mo pa rin ako iboto
DITO)


PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)

presents

Wika2007 Blog Writing Contest

Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa


Sponsored by:

Ang Tinig ng Bagong Salinlahi

Sumali na sa DigitalFilipino.com Club

Sheero Media Solutions - Web Design and Development

Yehey.com - Pinoy to p're

The Manila Bulletin Online

WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

Friday, August 17, 2007

MacArthur


"Nanggaling na tayo dito ah?!"


I intend to live forever... or die trying.

~anonymous



Walang habambuhay nawawala.

Dahil ang isang tao, kung hindi pa napupunta sa ibang mundo, e babalik at babalik sa kung saan man sya masaya.

At ako... e babalik at babalik din dito.


Hahaha. Ang o.a. >_<

Dala lang siguro ng malakas at pabugsu-bugsong mga pag-ulan. Alam nyo na, kapag umiiyak ang langit at humahalik sa tigang na lupa... blah blah blah and so on and so forth. Ayun, ang sarap magdrama.

Eto na ang ikatlong pagkabuhay ng ninong.blogspot.com. Woohoo. Magdiwang. Ang kulit-kulit ng blogero. Hindi makuntento. Aalis. Pero babalik rin naman. O_o. Re-layout na naman po ang lagay.

Naisip ko kasing ngayon na ang oras upang bumangon at muling sakupin at less than 30% ng pinoy blogosphere. Bwahahaha. Gayundin ang .0353% ng foreign blogospheres na di maintindihan ang salitang Filipino pero dumadaan pa din dito sa blog ko ang nag-iiwan ng tag.

Nanumbalik sa aking gunita ang aking masidhing pangako sa sarili.... na paluluhurin ang mga taga- Google Adsense na tumanggi sa blog ko dahil hindi nila ako kinayang intindihin! Paluluhain ko pa nga pala sila ng dugo...

...at limpak limpak na salapi.

P.S.

Kanina lang ata ang first time ko na nakarinig ng suspension ng klase para sa araw ng Sabado. Hmm... clap clap. Sa wakas, naisip rin nila na may mga estudyante pang pumapasok pag sabado.

At ito ang aking centennial post.

Wednesday, August 08, 2007

Mind blank

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Wednesday, July 25, 2007

Miss me?

A man would do nothing if he waited until he could do it so well that no one could find fault. ~John Henry Newman

I’ve been a bad, bad blogger these past months. Go ahead and spank me.

I have taken this blog a bit for granted. Didn’t post much, did not even visit other blogs. Forgotten link exchange requests.

I might seem to have been waiting for something good enough to post. Or finding better ways to deliver it. Such is the predicament of a blogger who gets a good number of visitors. It somehow limits what you can or cannot say.

Maybe one can share private details when hidden in anonymity but when people who are close to you know what’s going inside your head, things might not get so pretty. Because it might even be about them, see. And they might not want what they might see.

And I also had the layout problem thing. I want to change the layout of this blog. Maybe even the name. It did not have the same impact that I sort of envisioned it to have. But the layout had been good enough for me. And somehow a part of me doesn’t want to change it. But still I know it is not working well enough.

I am a bit touched that several people still continue to visit this blog time and again, only to find the same post over and over again. I’ll try to make it up to you people somehow.

But not yet.


Saturday, July 07, 2007

Reformat

“Ninong, utang na loob, mag-update ka naman.”
~Spam mail

“Ninong, I would not let the 7th Book be released if you will not update your blog within the week”
~J.K.R.

“Wala pa ring update kamo? Kaya pala tumataas ang mga bilihin.”
~tindera sa palengke ng Pangasinan

“Ni hindi man lang umattend sa MOA nung tuesday… para sa kanya pa naman sana yung event…”
~MOA event organizer


Kamusta?

Sabi ko babawi ako ng june. I may have spoken too soon. Kaya lumipas ang buong june na iisa lang ang post ko. Di man lahat kayo e interesado sa buhay ko, meron pa ring mangilan-ngilang patuloy na bumabalik, sumisilip kung anong bago. At patuloy na nadidisaappoint. Haha.

Toink.

Busy lang talaga. Maraming pinagkaabalahan. Hindi iilang beses na ginawa kong kama ang opisina at tinulugan ang mga vacant periods ko makabawi lang sa tulog. Sunod-sunod ang pasahan na hindi naman natutuloy o hindi mga proyektong di gumagana ng siyento porsyento. Mapapagod lang ako pag kinuwento ko ulit lahat ng pinagdaanan ko. Tapos na rin naman ang mga blogging moments na yun. Di ko na mauulit pa yung mga naisip ko at naramdaman. At dahil tapos na ang term…

REFORMAT NA.


Thermodynamics Files. SHIFT + DEL.

Database Management System Files. DEL

Operating Systems Files. DEL

COE Ethics Files. DEL

Install COE Practicum? CANCEL

Install Seminars/Field Trips? OK

Install OS Lab? REMIND ME LATER

Re-install Computer Networks? OK

Install Software Design v2.0 Update? OK.


Kaya natagalan bago ako nagpost e dahil gusto ko sana pagnagpost ako dito e may grade na lahat ng incomplete ko… pero kung hihintayin ko pa yun baka next month pa ako makagpost dahil sa ubod ng high-tech naming system. Hmmm… medyo tinamaan rin ako ulit ng katamaran nitong nakaraang araw. Di na rin masyadong nagbloghop. Nagpahinga sa blogosphere…

Hindi na ako masaya sa layout ko… Dapat nang magpalit.

Friday, June 01, 2007

CENTRUM

Anyone can do any amount of work, provided it isn't the work he is supposed to be doing at that moment.
~Robert Benchley

Nothing is so fatiguing as the eternal hanging on of an uncompleted task.
~William James

I want to be -- complete.
~Centrum commercial

Pinagkakaabalahan ni ninong...


front page


back page

Pagod na si ninong.


Alam ko lagi nya na lang sinasabi yan. Lagi na lang pagod. Puro reklamo. Haha. E totoo naman e. Andami dami dami dami dami dami dami naman kasi ng kailangan gawin. Saka pa siya sinusumpong ng katamaran. Ano ba ang gamot sa katamaran? Saan ba nakakabili nun?

Wala bang free taste?


Kailangan ko nang i-complete ang mga incomplete ko... kung gusto ko grumaduate agad. Parang ayaw ko. Ayaw ko iwanan ang kolehiyo. Magpakaestudyante na lang kaya ako habangbuhay?


Sayang, hindi ako mayaman para maraming magawang wala.


Hanggang ngayon ba e naliligaw pa rin ako?


Inaantok na ako. Gusto kong patigilin ang oras. Gusto kong magbakasyon ng isang linggo. Na walang alalahanin. Walang iniisip na deadline. Walang kinakatakutang completion. Walang naghihintay na project pagbalik.

Time travel.


Para kasi akong naglalaro ng brickgame e. bagsak ng bagsak ang bricks galing sa taas. bagsak ng bagsak ang mga kailangan ko gawin. Syempre aayusin ko yung bricks, gagawan ng paraan para mawala sila.

Left, left, right, rotate, down.


Ayun. Score.


Pero kahit andami ko nang score, tuloy-tuloy pa rin ang paglaglag ng mga bricks. At bumibilis ang pagbagsak nila. San ko ito ilalagay? Rotate, rotate...aack barado. aaaah... left, right, right... ngee... bara na naman... Amp. Waah... walang paglalagyan!


Ayan na... tumataas na ang tambak ng mga kailangan ko gawin. Di pa ako nakakaiscore... puro bara na. Puro nakatenggang gawain. Di matapos-tapos. Di mawala-wala. Nalaglag pa rin ang mga bricks.

Ala na ba katapusan?

Malapit na ata ma-game over...


Asan ang PAUSE?

Monday, May 21, 2007

Estudyante Blues Part 1: Kindergarten

“All grown-ups were children first, but few remember it.”
~Antoine de Saint- Exupery, The Little Price


SALAMAT.

Maraming salamat sa lahat ng bumati sa akin nung aking kaarawan, kahit nauna ka o sakto o masyado nang huli, salamat. Hmmm… dahil sa dami ng bumati sa akin, naisipan kong iextend pa ang deadline para sa pagpapadala nyo ng regalo. Hehe.

Siguro, tatanggapin ko pa ang mga regalo nyo hanggang June 1, 2007. O ayan ha, binibigyan ko kayo ng pagkakataon upang makahabol pa. Huwag nyo nang sayangin. >_<

Salamat. Lumampas na sa 20 ang comments ko. Haha. I’m fulfilled.

Paabutin naman natin ng 30 ang comments ko!
________________

Hmmm… wala namang nangyayari sa buhay eskwela ko ngayon kundi two words. Impending doom. Wala lang, nakakatamad gawin ang mga dapat gawin. Bumibilis ang mga araw, parang kaka-lunes lang kanina ah tapos linggo na ulit. Tapos lunes na naman.

Pakiramdam ko kakabirthday ko lang kanina e…

May gusto ako sabihin dito pero wag na lang muna… baka lalong mawala. <_>
___________________

Habang naghahalungkat ng mga lumang gamit nung isang araw, natagpuan ko ang aking mga class pictures mula pa nung unang panahon. Binalak itong itago ni nanay pero nakuha ko agad kaya naman ako na ang nagtago. Hehe.

Habang tinitingnan ang mga larawan, pati na rin kung gaano ako ka-ubod ng cute nung bata pa e may mga naalala akong mga bagay. Kaya naman naisipan kong gawan na lang post ang buhay-eskwela ko… hehe. Hmmm….

Bakit hindi natin simulan sa kindergarten?

Alam nyo ba ang ibig sabihin ng kindergarten? Kung alam mo na, kunyari hindi pa… kasi sasabihin ko sayo, ok? Magpanggap ka na lang muna na mangmang para lahat tayo ay masaya.

Ang “kindergarten” daw ay nagmula sa salitang Aleman na ang ibig sabihin ay “children’s garden”. Ito ay antas na pinapasukan ng mga batang edad 4 hanggang 6 na taong gulang (minsan mas bata pa) bago makatugtong na elementary. Minsan tinatawag itong nursery at minsan naman ay daycare, depende sa trip ng may-ari.

Naintindihan nyo ba mga bata?

Sinimulan ko ang aking unang pagtungtong sa paaralan sa St. Francis Academy dito sa Paranaque. Isang sakay lang yun sa jeep mula sa bahay. Tatawid ka, sakay ng jeep, tawid ka ulit ayun na.

Hindi naman sikat yung school, wala nga ako makitang logo e… Sayang. Cute pa naman ng logo nila. Parang crest na nahahati sa tatlo. Tapos sa right side may parang dragon. Yung left side naman nahahati sa dalawa, sa taas isang armor helmet, yung sa baba naman diagonal stripes.

Saka na yung pic...

Hindi ko na maalala kung bakit dun ako pinag-aral. Wala na rin akong maalala sa first day ko sa skul. Sayang. Naaalala ko lang yung minsan pag hinahatid ako ng nanay o kaya ng tatay ko e hinihintay ko pa sila umalis bago ako pumasok ng klasrum. Wala lang, gusto ko sila makita umalis. Kahit pinapapasok nila ako, hindi ako papasok hanggang hindi sila umaalis. Nagtatago pa nga tatay ko minsan sa poste e… Haha. Pero hinihintay ko sya lumabas. Haha.

Hmmm… first time ko sa piling ng maraming bata, dahil ang bahay namin, walang kapitbahay na ka-age-bracket ko. Kaya medyo kinailangan din mag-adjust... Haha... Blah blah blah.

Naalala kong sinasabihan ako ng nanay kong wag patulan ang mga nanunuksong bata. Kapag pinatulan mo raw ibig sabihin totoo. Bakit ganun no? E kaya mo nga aawayin e kasi nga hindi totoo. Asar ako sa mga nanunukso. Yung mga taong bata pa lang e binigyan na ng masamang budhi. Tsk tsk.

Naalala kong nanonood muna ako ng sesame street bago pumasok (insert Sesame Street theme here). Panghapon kasi ako kaya naabutan ko. Bata pa lang hindi ko na talaga talent ang paggising ng maaga. Hehe. Natutuwa ako sa Sesame Street, kahit hindi ko naiintindihan kasi English. Tinitingnan ko lang yung mga gumagalaw galaw na picture. Saka yung mga puppet si Kermit the frog, Big Bird, Cookie Monster, Pong Pagong, Kiko Matsing (teka mali na ata) blah blah blah and blah.

Antagal na nung panahon na yun, badtrip, di ko na talaga maalala. Basta alam ko kahit wala akong sundo hindi ako umiiyak kasi andaming bata. At masaya akong nakikipaglaro kapag uwian. Pag umuuwi ako pinapakita ko ang kamay kong may stamp ni kerokeroppi… ibig sabihin nun 100 ako sa isang seatwork. Lagi ako merong ganun.

Dahil ayoko na kayo bitinin pa e… eto na ang class picture ko… tingin ko eto lang inabangan nung iba… haha. Hmmm… hanapin nyo ako dito. May premyo. Syempre makikita nyo ako. Hehe. Ako ngapala yung pinakacute na lalaki dyan. Bawal kumontra. Hehe. Ang mga naiinggit ay magpost din ng kindergarten class pic sa blog nila.



Nasan si ninong?

Clue: Cute din yung babaeng nasa tapat ko. Di ko na nga lang maalala kung ano pangalan nun.

Isulat ang inyong hula sagot kasama ang pangalan, address, telephone number at suking tindahan, pangarap sa buhay at isang nakakatawang joke kalakip ang kahit anumang proof of purchase mula sa ating mga sponsors tulad ng Yellow Cab, Max's, Aristocrat, Rustan's and many more.

Ihulog lamang ang mga entries sa pinakamalapit na trash bin na nakalagay sa mga piling lokasyon sa buong metro manila. Mas maraming entry, mas malaki ang tsansang maloko manalo. Sali na! See posters and print ads for nothing.
______________________

Hindi ko talaga gusto ang uniform namin. Siguro yung sa mga babae ayos lang, pero yung sa mga lalaki masagwa, mukha kaming mga waiter. Naka-bow tie na, naka-suspender pa. Overkill sa pagkabaduy. Sino kayang topak ang nagpauso nun... Hmmm.

May anomalya nga sa skul namin. Madalas kasing absent ang teacher ko. Alam nyo bang yung nasa class picture namin ay hindi talaga namin teacher. Sa kabilang section yan e. Nagulat nga kami kung bakit sya kasama namin. Haha. Usap-usapan ng mga magulang na janitor daw ng skul minsan ang nagtuturo ng lesson sa amin. Hanep sa tsismis no? Hehe. Kaya naman isang taon lang ako dun.

Nakita nyo na ba ako sa class pic? Maging tapat. Para sa mga sirit na...


hehe

hehe... ay mali pala...hahaha... hmmm.... eto na talaga.


nakita mo na?

Para sa maswerteng mabubunot na tama ang sagot, paki-claim ang iyong libreng papremyo sa pinakamalapit na suking tindahan. hehe.