Thursday, October 25, 2007

QA sa OJT

"Programming today is a race between software engineers striving to build bigger and better idiot-proof programs, and the Universe trying to produce bigger and better idiots. So far, the Universe is winning."
~Rich Cook


Abala ako nitong mga nakaraang araw. At magiging abala pa sa mga susunod.

Hindi ko na naasikaso ang blog na ito. Lalo na yung isa pang bago.

Sinasanay ko ulit ang katawan kong gumising ng maaga para pumasok. Hindi sa eskwela, o sa isang classroom lecture kung saan may prof, kundi sa trabaho na may grade din kapag lumaon.

Nag-o-OJT na si ninong.


Gigising ako ng alas siyete y medya. Gagawin ang ritwal sa umaga na almusal-noodtv-ligo-bihis pagkatapos ay aalis ng bahay ng alas otso y medya. Sasakay sa "shuttle" na nagkakahalaga ng halos kalahati ng aking arawang stipend. Kinse minutos at Makati na. Tapos halos kalahating oras para makarating lang ng Ayala Avenue mula sa DaangLangit dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan at mga stopover.

Bababa ako sa "second bus stop" na labinglimang hakbang lang ang layo mula sa "first bus stop". Hindi pwede magbaba ng mga tao sa "third bus stop".

Titingala ako at tatanawin ang matatayog na gusaling parang mga punong gustong abutin ang langit. Makikita ko ang mga taong tila butong pinapatubo ang mga gusali. Lalakad ako ng konti. Masasalubong at makakasabay ang mga taong nakapolo, nakapolo-shirt, naka-slacks, nakaformal, nakacorporate attire.

Bihira ang naka-tshirt sa Ayala Avenue. Hindi mukhang ninong si ninong sa Makati. Para siyang naka-camouflage. Halos lahat ay mga ninong at ninang, senador, kongresista at mga pangulo.

Depende sa oras ang bilis ng lakad ng mga tao. Kapag alas nuwebe pa lang medyo mabagal pero habang umaakyat si Haring Araw e bumibilis rin ang kanilang mga hakbang.

Dahil nasa kabilang kalsada ang Plaza ng Langit sa Makati, bababa ako sa isa sa kanilang ubod ng linis na tulay sa ilalim ng lupa. Maraming patalastas ang paligid nito at umaakyat mag-isa ang hagdan nito kapag pataas ka na. Dahil maraming labasan ang tulay may mga simbolo ng gusto mong puntahan para hindi mabiro ng mga engkanto.

Pag-akyat ay sasalubong sa akin ang Pasipikong Tore ni Rufino. Dito sana ako mag-o-OJT kaya lang pinaghintay ako ng isa sa mga kumpanya dito ng ilang araw. Sa pangambang magipit ako sa oras, hindi ko na sila kinulit. Nagsimula na ako sa ibang kumpanya nung tumawag sila at nag-aalok ng mas malaking pampalubag-loob.

Sayang.

Di bale, ipapabili ko na lang ang kumpanya nila kay sir Kokok kapag naging ubod ng yaman na niya. Tapos saka ako mag-oOJT dun para mas malaki na ang allowance ko.

Konting lakad pa at mararating ko na ang aking destinasyon. Papatingnan ko sa gwardiya ang aking mga dalahin, baka sakaling nadala ko ang aking C4. Lagi ko namang naiiwan.

Kahapon ko lang nakuha ang aking pansamantalang ID, bago yun ay ilang araw rin akong nagtyaga na iwan sa kanilang tagatanggap ang aking School ID kapalit ng isang Visitor ID.

May apat na mahiwagang pinto malapit sa lugar ng tagatanggap at papasok ako sa unang bubukas. Papasok ako sa isang maliit na silid na bumubukas ang pinto sa iba’t ibang dimensyon. Pipindutin ko ang simbolong "4" at maghihintay.

Bubukas ang pinto. Makikita ko ang salaming pintong may batobalani. Nakapinid ng mabuti ang pintuan. Mabuti na lang at binigyan ako ng agimat para lampasan ang balakid na ito. Isang maliit na parihabang kulay puti. Itatapat ko ito sa pindutang umiilaw ng kulay pula. Magiging luntian ang ilaw at bubukas ang mahiwagang pinto.

Bilang patunay sa aking presensya, ililista ko sa isang papel ang oras ng aking pagdating katapat ng aking pangalan. May sumumpa ata sa kanilang mahiwagang tagalista ng presensya kaya ang mga tao’y nagtitiyaga sa mano-manong paglilista.

Whew. O_O.
____________________________

Walong araw na ako sa kumpanyang ito. Teloworks Inc. Philippines. Ang dating pangalan nila ay Enterworks pero nagkaroon ata ng merge kaya nabago ang pangalan.

Total hours logged : more or less 70 hours kasama na ang lunch break.

Trabaho : QA

Ano ba ang QA? Qute at appealing? Question and Answer? Quezon Ave.?

Ang QA ay tumutukoy sa Quality Assurance. Tawagin mo na akong mangmang pero nung isang taon, kapag sinabi mong QA, ang naiisip ko ay yung taong nasa conveyor line na tumitingin sa mga piyesa kung pasado ba ito sa quality tapos tatatakan ang produkto ng stamp na may nakalagay na Quality Checked.

Pero hindi lang pala panghardware ang QA. Dahil kahit ang Software Development ay mayroon ding Quality Assurance. Dahil wala namang taong perpekto at lahat ay nagkakamali, hindi imposible na ang isang program ay magkaroon ng maraming errors o bugs.

Minsan sa paggawa ng program mahirap i-anticipate lahat ng magiging mali lalo na kung ikaw ang gumawa ng program code. May mga bagay kasi na madaling ma-overlooked. Kung maliit lang ang program madali lang itrace kung saan at ano ang mali. Pero habang lumalaki ang program, mas humihirap rin ang pagdebug dito.

Kaya naman may separate group ng mga taong magchecheck ng nagawang program para makita ang mga bugs at maisaayos ang mga ito. Ang tawag sa kanila ay mga Qute at Appealing este Quality Assurance.

In short, ang trabaho nila ay siraan ang software... este ang maghanap ng butas at ng mga mali.

At dahil Qute nga ako (bawal umangal) at hmmm...sige na nga, umaamin na ako, Appealing na rin, sa QA ako napunta.

Friday, October 12, 2007

The Long- Awaited Comeback Post Part 1

"My mind is like lightning... one brilliant flash and it's gone."
~Anonymous

Kamusta na kayo?

Tila kay tagal ko ring nanahimik sa blog na ito. Nag-iinarte pa ako nung huling post ko ah. Haha.

Minsan raw dumadating sa isang tao ang panahon na ayaw nyang gawin ang ilang bagay na palagi nyang ginagawa kahit gaano nya kagusto dahil sa ayaw nya lang gawin. Baka kapag napigil nya ang sariling gawin yun e kahit paano nasa kanya pa rin ang desisyong piliin kung anuman ang gusto nya gawin at di lang dahil pakiramdam nya ay kailangan nyang gawin yun..

Malabo? Di ko rin naintindihan e.

Sa mga gustong malaman ang mga nakaraang pangyayari sa aking buhay, hindi ko kayo bibiguin. Bibigyan ko kayo ng ubod ng habang comeback post para naman hindi na kayo magtampo.

So, ano na nga ba ang nangyari?


Monday, September 24

Unang araw ng napaka- ubod ng habang 1-week sembreak mula sa MapĂșa.

Sa sobrang bilis, parang mas mahaba pa ang pagtype ko ng post na ito kaysa sa panahong ititimbre ko sa bahay sa buong linggo na iyon. Bukod sa enrollment week din ang linggong iyon, kailangan ko pang maghanap ng kumpanya na papasukan para sa aking OJT, ang huling balakid sa mumunting papel na tinatawag nilang diploma.

Kabado ako. Mag-isa kong tutunguhin ang lungsod ng Makati upang maghanap ng kumpanya. Bihira lang ako sa Makati. Di ko alam ang lugar. Ang alam ko lang ay papunta pero ang pabalik, hindi. Lalo na ang paikot-ikot nito. Ayoko magpasama o humingi ng tulong dahil may topak nga ako. Gusto ko ako mag-isa.

Bago gumala, tumingin ako sa internet ng mapa ng Makati. At ini-sketch ito sa papel. Minarkahan ko ang isa sa mga kumpanya na nakalista sa kinuha kong List of Accredited OJT Companies mula sa department. Binalak kong unahin ang Level-Up sa Pacific Star Building. Kasi sabi sa akin nainterview agad yung mga nag-apply ng ojt dun.

Gusto ko sana magsimula na agad. Bali-balita kasing madaling kapusin sa oras kung matatagalan ka sa paghahanap. 240 hours ang requirement. Anim na linggong walang absent o overtime. 11 weeks lang ang isang term. 10th week ang defense. Ibig sabihin dapat pagdating ng Week 3 o 4, nagsisimula na ako.

Bukod sa Level-Up, minarkahan ko rin ang Petron. Maganda raw dun mag-ojt sabi nung isa kong kakilala. Tapos minarkahan ko rin ang Accenture.

Malabo ang sketch ko. Minadali ko kasi. Sabi ko pagdating na lang sa Makati ako mamomoblema.

Gumising ako ng maaga. Mga alas-otso. Almusal. Ligo. Bihis. Nagpolo ako. Sabi rin kasi sa akin na mas maganda kung naka-semi formal ka habang naghahanap ng OJT para mukhang presentable. Baka interviewhin din agad kasi. Blah blah blah.

Maraming daan papuntang Makati. May bus sa SLEX, MRT papuntang AYALA, bus sa Buendia, jeep, fx… At meron ring mga van o shuttle kung tawagin. At may sakayan nito malapit sa amin. P45 ang pamasahe kahit san ka bababa. Dadaan raw kasing SKYWAY.

Ooooh.

Nung nagbayad ako sa “dispatcher”, sabi ko sa Landmark ako bababa. Yun lang alam kong lugar e. Hahaha. Halatang taong-bahay. Binigyan ako ng “stub”, isang piraso ng kulay pink na papel (2x2) na nababalutan ng Scotch tape at may stamp ng kung ano mang asosasyon nila. Baka Samahan ng Mga May-ari at Drayber ng Colorum na Van at Shuttle Papuntang Makati Assoc. of the Philippines.

Tapos.

Sumakay ako at sinilip ang aking munting map sketch. "Ok, eto na tayo," sabi ko sa sarili.

Binagtas ng L300 van ang kahabaan ng SLEX at SKYWAY hanggang marating ang Makati. Nakaidlip ako dahil medyo puyat din. Na naman. Umikot ang sasakyan sa may Arnaiz Avenue. Nakita ko ang Fujitsu, isa sa mga kumpanyang pwede ko aplayan. Naisip kong puntahan na lang yun mamaya.

Dumating kami sa Landmark. Pano ko nalaman? Sabi nung drayber e. Haha. Landmark na raw yun. Napansin kong hindi bumaba lahat ng pasahero. Kaya naman hindi rin ako agad bumaba. Naisip kong aantayin ko na lang bumaba yung mga pinakahuli. Para malaman ko na rin ang ruta ng shuttle na ito. Wais ata to.

Dumaan ang van sa Paseo de Roxas hanggang kumaliwa ito sa may Ayala Avenue. Nakita ko na ang mga matayog na gusaling tila tatak na ng Makati. Nakakalula kahit tumitingala lang ako. Siguro hindi halatang baguhan ako kasi tinanong ako ng katabi ko kung ang babaan nung papuntang Rufino. Sabi ko, "ah, dun lang po yan sa ano... sa... ah... dun sa... manong drayber, saan daw yung papuntang Rufino?"

Nung bumaba sya dun sa tinatawag nilang Bus Stop 2, bumaba na rin ako…

(itutuloy)