Saturday, August 18, 2007

Ang Obra

Ang post na ito ay aking isasali ko sa Wika 2007 Blog Writing contest ng Pinoy Blogosphere. Sana manalo. Hahaha. Gusto mo akong tulungan? Pwede. Kailangan mo lang akong iboto. Pero saka na natin pag-usapan yan, basahin mo muna ang aking kwento. n_n Sa August 20 pa naman ang botohan.

(update: Maaari ka nang bumoto DITO)



Nung nagsabog ang langit ng iba’t ibang wika, isa ang Pilipinas sa nauna sa pila. Dala-dala nito ang isang malaking bayong upang paglagyan ng mga wika. Hinakot nito ang karamihan sa mga wika: Tagalog, Hiligaynon, Cebuano, Ilokano, Bikol, Kapampangan, Waray, Maranao at iba pa.

Natawa ang ibang bansa dahil sa dami ng kanyang kinuha. Nag-aagawan naman ang ibang bansa para makuha ang Ingles, Mandarin at Russian.

Sabi ng Alemanya pagkakuha nito ng wikang Aleman, “Pilipinas, ang dami mo namang kinuha. Aanhin mo ba ang mga iyan? Isa lang naman ang kailangan natin para mabuo.”

Ngumiti ang Pilipinas habang tangan ang mabigat nitong bayong at pagkatapos ay sinabi, “Gagawa ako ng obra.”


Walong taon na rin ang lumipas nung una akong nasabak sa pag-aartista. Walang film, walang kamera, wala naman talagang pelikula. Pero may pagtatanghal sa munting stage ng aming paaralan.

Pagdiriwang kasi para sa Buwan ng Wika.

Bilang paggunita sa okasyon, nagkaroon ng munting programa pagkatapos ng flag ceremony. Ok lang sa mga estudyante, kasi walang lesson kapag may program. Yehey! Sino bang gugustuhing maburo sa loob ng silid-aralan at kumopya ng lecture habang nanood ang iba ng palabas sa stage. At malapit lang ang canteen sa quadrangle. Pwede ka pang mag-almusal habang may show.

Iba-iba ang pagtatanghal na ginawa ng bawat baitang…may mga sumayaw, may mga tumulang parang kumakanta at mayroon din namang kumanta na parang tumutula.

Lahat sila kumpleto with Filipiniana costume. Makabayan rin kasi ang mga tao kapag buwan ng wika.

Kami naman ay nagbahay-bahayan este nagdula-dulaan sa stage. Ginawa naming mala-telenobela ang buhay ng dating pangulong Manuel L. Quezon na tinaguriang Ama ng Pambansang Wika. Napilitan akong gumanap na Quezon dahil kaaway ng direktor naming babae yung isa naming kaklase na pwedeng sanang gumanap sa role.

Ayos lang, naisip ko, dahil mayayakap ko naman yung dalawang crush ko dati. Gaganap kasi sila bilang asawa at anak ko. Hahaha. Oh, the joys of elementary crushes. Hahaha.

Mahaba rin ang dula na yun dahil hanggang pagkamatay ni Quezon sa Saranac Lake sa kasagsagan ng World War II ay inabot namin. At siyempre nadaanan din ng dula na yun kung paano at bakit itinulak ni Manuel Quezon ang pagkakaroon natin ng isang pambansang wika.


Sabi nila, mahigit sa isangdaan at pitumpu (170) ang mga wika sa nagkalat na mga pulo ng Pilipinas. Na tayo ay nabuklod sa iisang pagkakakilanlan sa kabila ng ating pagkakaiba sa wika ay isa nang malaking tagumpay para sa ating bansa. Ito ay patunay na hindi hadlang ang mga pagkakaiba ng mga salitang namumutawi sa ating mga bibig upang tayo ay magbigkis at magkaisa. Marahil nga ay hindi madali ang daan, pero pinakita nating hindi rin naman imposible na tahakin iyon.

Maraming wika, matatag na bansa.

Kagaya ng isang halo-halong sumasarap dahil sa iba-iba nitong rekado, ang ating kultura ay makulay dahil sa iba-iba nitong wika. Isipin nyo na lamang ang halo-halong gawa lang sa yelo at condensada. Maaaring may lasa ito, pero hinding-hindi maikukumpara sa sarap ng tunay na halo-halong may leche flan, pinipig, garbanzo, ube, langka, nata de coco, saging, gelatin at iba pa. Hindi naging masama ang pagkakaiba ng mga rekado sa lasa ng halo-halo, bagkus pinagyaman ng iba’t-ibang halo ang linamnam nito.

Maging sa paghahabi o sa pagpipinta, ang isang magandang disenyo ay hindi nabubulid sa isa o dalawang kulay lamang kundi sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay at dibuho o pattern upang makabuo ng isang obra. Hindi nakakabawas sa ganda ng obra o habi ang iba’t- ibang kulay, bagkus ay nakadaragdag pa ito sa kagandahan ng disenyo.

Maraming wika, matatag na bansa.

Ang pagkakaiba ng ating wika ang nagpapatunay na mayaman ang ating kultura at dapat ipagmalaki. Ang pagkakahiwalay ng ating mga pulo ay hindi naging hadlang upang tayo ay makilala bilang isang bansa. Ngunit matagal ang panahong inabot upang makamtan ang pagkakaisang ito. Mahigit na tatlong siglo tayong napasailalim ng mga Kastila dahil hindi tayo agad nagkaisa.

Pero wala namang obra na minamadali. At ang ating pinipintang dibuho ay hindi pa tapos.

Pinangarap ni Manuel Quezon na tayo ay mabuklod sa iisang wika. Pero bagaman tayo ay binubuklod ng wikang Filipino, pinatatatag naman tayo ng ating iba’t ibang wika. Dahil pinapakita nito ang ating kultura na pinamana ng ating mga ninuno. Kultura na siyang ating pagkakakilanlan. Iba-iba man ang ating mga wika, habang kinikilala natin na tayong lahat ay mga Pilipino, tumatatag ang ating bansa. Dahil kung maipagmamalaki natin ang ating pinanggalingan, taas-noo nating tutunguhin ang kinabukasan.


(Nagustuhan mo? Kahit hindi, pwede mo pa rin ako iboto
DITO)


PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)

presents

Wika2007 Blog Writing Contest

Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa


Sponsored by:

Ang Tinig ng Bagong Salinlahi

Sumali na sa DigitalFilipino.com Club

Sheero Media Solutions - Web Design and Development

Yehey.com - Pinoy to p're

The Manila Bulletin Online

WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

5 comments:

janettetoral.com said...

Nakakatuwa naman at nagampanan mo pa ang role ni Manuel L. Quezon sa dulaan niyo. Cool!

tina said...

hehe ikaw pala si Quezon sa play niyo.... wow. lead role talaga huh. sige vote kita...

Ederic said...

Okay yung paggamit mo ng imahe ng haluhalo at mga sangkap nito. :)

Anonymous said...

Wala po bang Wika2008?ΓΌ

mean_thief@yahoo.com said...

Kuya, nu po name nyo. Pagamit lang po ng talumpati para sa presentation namin bukas.