Tuesday, December 25, 2007

Emilio

“If you give what can be taken, you are not really giving. Take what you are given, not what you want to be given. Give what cannot be taken.”

~Idries Shah

Nung mas bata pa ako kaysa ngayon, siguro mga prep pa lang o kinder, naalala ko nung nakita ko yung mga kasama ng nanay ko sa opisina na kumakain sa canteen. Ninang ng mga magulang ko sa kasal si Mrs. Amyan. Kasama nya kumakain ang ninang ko at iba pa.

Magpapasko na rin noon. Syempre medyo nagpapansin ako ng konti. Kunyari bibili ako sa canteen. Pero tumatambay lang ako dun. Palakad-lakad. Patingin-tingin. Inaantay ko lang tawagin nila ako. Para bigyan ng aginaldo, syempre.

Hindi naman ako nabigo (buti na lang). Maya-maya tinawag ako ni lola amyan. Tinanong ako kung gusto ko raw ba ng regalo. Ngumiti lang ako. Sabi ko, “ah e, wag na po”, pero sa loob-loob ko naisip ko, “wag kayo maniwala sa akin, bigyan nyo ako ng laruan!”

Sabi ni lola, “Ok lang ba sa’yo na pera na lang?”

Hmm… napaisip ako. Kung pera nga naman, ayos lang, makakabili ako ng gusto kong laruan. Kaya sinabi ko, “Umm, ok lang po!”

“Magkano ang gusto mo?”

Hmmm… napaisip ulit ako. Magkano nga kaya. Gusto ko sana sabihin na, “one hundred pesos po!” Tamang-tama na pambili yun ng laruan. Kaya lang…

“O, magkano ang gusto mong ibigay ko sa’yo?”

“Ah…P20 na lang po.”

Nagulat sila. Nagtaka. Sabi ni lola amyan, “O, bakit P20? Ayaw mo ba ng P100?”

Sabi ko, “Gusto po. Kaya lang po kapag P100 ang binigay nyo, kinukuha ni mama. Kapag P20, sa akin po yun mapupunta.”


Lahat ng nakarinig sa sinabi ko ay nagtawanan. Sa lakas ng tawa nila, kinabahan ako na baka may nasabi akong mali. Pero kumuha si lola ng P20 sa wallet nya, tapos inabot sa akin.

“O, eto ang P20 mo. Iyo yan ha? Wag mo bigay sa nanay mo. Haha.” Tawanan sila ulit.

Tuwang-tuwa naman ako. Totoo naman kasi. Noon, kapag binigyan ako ng P100, kinukuha ni nanay. Hindi ko na nakikita ulit. Hehe.

Siguro bata pa lang, alam ko na ang ibig sabihin ng “it’s the thought that counts.” Haha. >_<>

Yun lang. Hehe.

Maligayang Pasko sa lahat!

Thursday, December 20, 2007

Yuppie?

“Once in a while it really hits people that they don’t have to experience the world in the way they have been told to…”
– Anonymous

Ano ang ibig sabihin ng dalawang larawan na ito?

Exhibit A:

Exhibit B:

Ang galing mo!

Tama ka, ibig sabihin lang nyan, natapos na ninong ang kanyang B.S. in Computer Engineering. Pagkatapos ng apat na taon at may limang buwan, natapos ko na ang humigit-kumulang 213 units, kung saan umulit ako ng 20.

Tapos na.

Mamartsa na ako sa Pebrero. Siguro.

Sana.

Sana hindi ako nag-iisa. Balita ko kasi marami sa mga umaasang magmamartsa ng Pebrero ay nagkaroon ng siete sa kanilang design 2. Walang umabot. Ako pa lang ang siguradong lalakad sa pulang carpet. Medyo nakabitin pa rin sila.

Siguro minsan nangarap akong grumaduate na top1 sa buong batch, pero kung mag-isa lang ako e napaka-RIDDIKULUS naman nun. Hehe.

Hindi na ako nag-enroll para sa darating na term. Ano ako martyr? No more available units na nga e. Pinapalayas na ako ng skul. Magpapapigil pa ba ako?

Di na rin ako nagpasyete gaya ng binulong nung iba para daw may kasabay ako magmartsa. Naisip ko, bakit ko pa patatagalin, e ang tagal kong pinilit matapos ang kurso na ito di ba?

So, ano na ba ang pinagkakaabalahan ni ninong ngayon? Kung tapos na ang kanyang ojt, bakit inabot pa rin ng isang lingo bago sya nagpost ulit?


Yuppie na si ninong. Young puppy –err professional.

Para maisagawa ko na ang aking planong sakupin ang mundo, nakasaad sa aking 1,000,000,000-step plan na makahanap agad ng trabaho para masimulan ko na ang pagpapayaman ko.

Sabi nung iba, pagkagraduate nila e magpapahinga muna sila. Mga 3 months. 6 months. 1 year. Pagkatapos daw ng apat na taon ng pag-aaral, e dapat lang na entitled sila mag-“indefinite leave” kumbaga.

Magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayaw ko mag-“petiks” ng mga ilang buwan. Syempre. Gusto ko magpahinga. Gusto kong gumawa ng wala.

Pero hindi lahat ng tao ay may ganung kalayaan. Di naman kasi ako eredero o prinsipe para mag-antay na lang sa mana ko at nagtratrabaho lang para lumipas ang oras. Kailangan ko nang magkaroon ng pera kung gusto kong makabili ng gusto ko –tulad na lang ng Intramuros. Haha.

Atsaka kung magpapahinga ako, wala rin naman akong gagawin. Walang pera e. Magsasawa rin ako agad sa bartolina. Mabubugnot sa kabalintunaan.

Kaya naman ng magkaroon ng pagkakataon e ayun sumabay na akong mag-apply sa mga nakasabay ko sa OJT. Tyempo namang naghahanap agad yung kumpanya ng aalipinin, kaya naman ayun, natanggap. Sa totoo lang, sila ang nagmamadali, kaya naman hindi ko na sila tinanggihan.

Gusto ko sana magpatuloy dun sa pinag-oojthan ko. Kasi kahit konti lang ang mga empleyado e OK ang atmosphere. Saka nagsisimula na kaming makipag-usap sa mga empleyado. Nakakabiruan na namin sila. Saka may libreng juice. Saka may pingpong table. Kaya lang hindi sila naghahanap ng empleyado, estudyanteng alipin lang ang kailangan nila.

Masyadong mabilis ang pangyayari. Kung meron mang downside ang pagtanggap ko agad sa trabahong ito, iyon ay hindi na ako masyadong nakapaghanap at nakapamili. Parang take it now or leave it forever and ever amen kasi ang dating. Parang portal na unti-unting sumasara. Kung di ko papasukin, mawawala agad ang pinto. Medyo nakakatukso pa ang job offer. Tapos hindi ganun ka-binding ang kontrata. Anong magagawa ko, tao lang naman ako?

Ayoko, hanggang maaari, na pabayaan na naman ang mga ganung pagkakataon. Malas na nga sa lablayp e pababayaan pa ang “career”. Gusto kong subukan.

Medyo nagdalawang isip din ako, kasi bagaman developer ang job position na nakuha ko e hindi programming language tulad ng JAVA o VB.net o C# o Perl ang gagamitin namin. EDI o Electronic Data Interchange ang ide-“develop” naming.

In short, EDI Developer ako.

Anong kumpanya? GXS (Global Exchange Services). Sa Makati pa rin, at hindi nalalayo sa Teloworks kung saan ako nag-OJT.

Yun lang muna. Mahaba na ito.

Thursday, December 13, 2007

Immortality

I pray thee send me back my heart,
Since I cannot have thine;
For if from yours you will not part,
Why, then, shouldst thou have mine?
~John Suckling

Sabi nga ni sir namre, no updates = dead blog.

Buti na lang at immortal ang blog na ito. -_- Hehe.

Lampas isang buwan na rin nung huli akong nag-update. Na naman. Hmm… kataka-takang hindi ako makapagpost samantalang marami akong gusto sabihin at maraming gustong ikwento. Maraming gustong i-barbero.

Hindi ko rin maipaliwanag e… bigla na lang. parang lang, na tila walang sapat na oras para magtype. Marami lang sigurong gustong sabihin na hindi masabi. Mahirap rin minsan na kilala ka ng nagbabasa ng sinasabi mo. Lalo na kapag tungkol sa mga taong yun ang ikwekwento mo. Baka isang araw e mawala na lang ako sa mundo. Assasinated – Special Order.

Marami rin naman kasing pinagkaabalahan. Kumbaga, e nagkabuhay ako sa labas ng Internet kahit paano. Hmm… hindi rin pala. O sige, kahit konti. Ah, basta ganun. At blah blah blah blah. Tapos ang kwento.

Lahat kasi ng magandang palabas, nagkakaroon ng season break. Syempre, kailangan i-build up ang suspense. Hintaying magmakaawa ang mga presidente ng mga bansa, mga diplomat, politiko, artista, doktor, manunulat, bago ituloy ang next season.

Para mapanatili ang world peace at mabigyang katahimikan ang aking libu-libong tagasubaybay, ay itutuloy ko na ang next season.


Sabi nila, ang mga napapailalim raw sa zodiac sign na Taurus ay hindi lang nagtataglay ng di mapantayang kagwapuhan at kagandahan, sila rin ay biniyayaan ng walang katapusang tigas ng ulo. Stubbornness, kumbaga.

At oo, may pagka-applicable ang kantang Your Song ng Parokya ni Edgar sa aking love story. One step forward, one step forward. two steps back lang ang nangyayari sa aking mala-telenobelang buhay pag-ibig. Tanging ina talaga.

Tuwing dumadating ang kaarawan nya ako ay tinotopak. Pero ok lang e, di ko naman sya nakikita. Matagal na rin hindi kami nagkaka-kamustahan. Ayos lang. Konting topak. Lilipas din. Wag ka lang babalik. Magpaparamdam. Mabubuhay nang bigla. Dahil ako naman ang mamamatay. Ulit.

Sinabi ko sa sariling wag na siyang batiin. Ayun, binati ko pa rin. Wag pupunta sa birthday ng dating kaklase dahil pupunta sya dun. Syempre, pupunta pa rin. Wag itetext. Wag itetext. Wag itetext. Ay naku, nagsawa na rin akong kakakontra. Bahala ka sa buhay mo. Itext mo, anak ka ng nanay mo.

Wag mong itetext dahil hindi rin magrereply. At pag minalas ka, baka magreply. Dahil kapag nagreply, magtetext ka ulit. Paano kapag hindi na nagreply…

Lahat ng pagkikita namin laging may time limit. Akala ko ba titigil ang oras. Hindi rin. Sandali lang daw sya dun. Bilisan ko raw sabi nila. Baka di ko raw maabutan.

Hindi ba mas mabuti na lang kung ganun?

___________________________________

Nakita ko sa kanto ang dati naming MVP. Pinsan ng may birthday. May asawa na sya.

“O, nandyan si ano ah.”

“Ah talaga?” Kunyari di ko alam. Ano ka ba, kaya nga ako pumunta e.

Parang ayoko nang tumuloy. Dapat pala tinapos ko na lang ang test matrices ko sa OJT. Dapat nagpakaburo na lang ako sa harap ng PC. Pano ba ako napunta dito? May project pa pala ako. Teka, wag na lang.

Teka, pare, may pupuntahan pa pala ako. Uy, di mo ba ako naririnig, ayoko na tumuloy!

“O ayan na si ninong!” sabi nung nag-imbita sa akin. Nakita na nila ako.

“Ninong!”

Taking fire. Need backup!

Fire in the hole!

Team, fall back!

Man down! Man down!

Ayun sya nakaupo. Kumakain. Ano ba itong pinasok ko. Eto namang si birthday inviter, nanggatong pa. Dun pa ako pinaupo sa tabi. Anong sasabihin ko? Ano bang dapat gawin? Tanging ina.

Virtual Memory Low. Increase page file size.

“Asan na ang regalo ko?”

Ngingiti ako. “Next time na lang,” narinig kong sinabi ko.

“O, ninong kain muna,” sabi ni birthday inviter. “Saan ka galing?” sabay abot ng pinggang puno ng pancit malabon. Sino ang kakain nun, ako? Nasusuka ako. Ayoko ko kumain.

“OJT sa Makati. Asan na yung iba? Si teacher’s daughter at registered nurse?” Umalis na raw. Nag-uusap siya at si assumptionista. OP ako. Ala pala akong tropa na darating. Isa itong set-up! Set-up! Nakatalikod sya. Lulunukin ko na lang itong pansit.

Nung lumaon nakausap ko rin sya ng konti. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganitong pagkakataon. Maya-maya naghanda na syang umalis. Binigay ko ang regalo ko.

“Hala. Joke lang yun, ano ka ba? Akin to?”

Hindi. Akin yan. O_o Akin na nga. Pinakita ko lang sa’yo e. Akala mo naman…

“Thank you.”

Thank you lang? oh, c’mon. tatlong bundok ang tinawid ko para dyan. Haha.

May pasok pa raw sya ng alas-siyete. Kailangan nya na umuwi. Nightshift sya. Hinatid namin sya sa sakayan. Konting usap. Konti lang. Hindi talaga ako ipinanganak para sa mga ganoong pagkakataon.

“Salamat sa gift ah. Nag-abala ka pa. Binibiro lang kita.”

“Minsan lang naman e.” Thank you lang? Thank you lang?

“Sabi mo yan ah.” Ngingiti sya. Ngingiti ako. All is well in the world.

_______________________________

Happy ending?

Asa.

Pagkatapos ng araw na yun. Naglaho na naman sya. Gone with the wind. Ok lang, ok lang. Wag ka magreply, ok lang. Wag ka magtext, ok pa rin. Mahal na ang piso ngayon, alam ko. E ano kung nilamon kang muli nang lupa. E ano? Mali, mali, mali. Ayoko na talaga. Oo, ayoko na sabi e. Nakakamanhid na.

Immortal na ako.

Pero hihimlay lang ako sandali.