Friday, October 12, 2007

The Long- Awaited Comeback Post Part 1

"My mind is like lightning... one brilliant flash and it's gone."
~Anonymous

Kamusta na kayo?

Tila kay tagal ko ring nanahimik sa blog na ito. Nag-iinarte pa ako nung huling post ko ah. Haha.

Minsan raw dumadating sa isang tao ang panahon na ayaw nyang gawin ang ilang bagay na palagi nyang ginagawa kahit gaano nya kagusto dahil sa ayaw nya lang gawin. Baka kapag napigil nya ang sariling gawin yun e kahit paano nasa kanya pa rin ang desisyong piliin kung anuman ang gusto nya gawin at di lang dahil pakiramdam nya ay kailangan nyang gawin yun..

Malabo? Di ko rin naintindihan e.

Sa mga gustong malaman ang mga nakaraang pangyayari sa aking buhay, hindi ko kayo bibiguin. Bibigyan ko kayo ng ubod ng habang comeback post para naman hindi na kayo magtampo.

So, ano na nga ba ang nangyari?


Monday, September 24

Unang araw ng napaka- ubod ng habang 1-week sembreak mula sa MapĂșa.

Sa sobrang bilis, parang mas mahaba pa ang pagtype ko ng post na ito kaysa sa panahong ititimbre ko sa bahay sa buong linggo na iyon. Bukod sa enrollment week din ang linggong iyon, kailangan ko pang maghanap ng kumpanya na papasukan para sa aking OJT, ang huling balakid sa mumunting papel na tinatawag nilang diploma.

Kabado ako. Mag-isa kong tutunguhin ang lungsod ng Makati upang maghanap ng kumpanya. Bihira lang ako sa Makati. Di ko alam ang lugar. Ang alam ko lang ay papunta pero ang pabalik, hindi. Lalo na ang paikot-ikot nito. Ayoko magpasama o humingi ng tulong dahil may topak nga ako. Gusto ko ako mag-isa.

Bago gumala, tumingin ako sa internet ng mapa ng Makati. At ini-sketch ito sa papel. Minarkahan ko ang isa sa mga kumpanya na nakalista sa kinuha kong List of Accredited OJT Companies mula sa department. Binalak kong unahin ang Level-Up sa Pacific Star Building. Kasi sabi sa akin nainterview agad yung mga nag-apply ng ojt dun.

Gusto ko sana magsimula na agad. Bali-balita kasing madaling kapusin sa oras kung matatagalan ka sa paghahanap. 240 hours ang requirement. Anim na linggong walang absent o overtime. 11 weeks lang ang isang term. 10th week ang defense. Ibig sabihin dapat pagdating ng Week 3 o 4, nagsisimula na ako.

Bukod sa Level-Up, minarkahan ko rin ang Petron. Maganda raw dun mag-ojt sabi nung isa kong kakilala. Tapos minarkahan ko rin ang Accenture.

Malabo ang sketch ko. Minadali ko kasi. Sabi ko pagdating na lang sa Makati ako mamomoblema.

Gumising ako ng maaga. Mga alas-otso. Almusal. Ligo. Bihis. Nagpolo ako. Sabi rin kasi sa akin na mas maganda kung naka-semi formal ka habang naghahanap ng OJT para mukhang presentable. Baka interviewhin din agad kasi. Blah blah blah.

Maraming daan papuntang Makati. May bus sa SLEX, MRT papuntang AYALA, bus sa Buendia, jeep, fx… At meron ring mga van o shuttle kung tawagin. At may sakayan nito malapit sa amin. P45 ang pamasahe kahit san ka bababa. Dadaan raw kasing SKYWAY.

Ooooh.

Nung nagbayad ako sa “dispatcher”, sabi ko sa Landmark ako bababa. Yun lang alam kong lugar e. Hahaha. Halatang taong-bahay. Binigyan ako ng “stub”, isang piraso ng kulay pink na papel (2x2) na nababalutan ng Scotch tape at may stamp ng kung ano mang asosasyon nila. Baka Samahan ng Mga May-ari at Drayber ng Colorum na Van at Shuttle Papuntang Makati Assoc. of the Philippines.

Tapos.

Sumakay ako at sinilip ang aking munting map sketch. "Ok, eto na tayo," sabi ko sa sarili.

Binagtas ng L300 van ang kahabaan ng SLEX at SKYWAY hanggang marating ang Makati. Nakaidlip ako dahil medyo puyat din. Na naman. Umikot ang sasakyan sa may Arnaiz Avenue. Nakita ko ang Fujitsu, isa sa mga kumpanyang pwede ko aplayan. Naisip kong puntahan na lang yun mamaya.

Dumating kami sa Landmark. Pano ko nalaman? Sabi nung drayber e. Haha. Landmark na raw yun. Napansin kong hindi bumaba lahat ng pasahero. Kaya naman hindi rin ako agad bumaba. Naisip kong aantayin ko na lang bumaba yung mga pinakahuli. Para malaman ko na rin ang ruta ng shuttle na ito. Wais ata to.

Dumaan ang van sa Paseo de Roxas hanggang kumaliwa ito sa may Ayala Avenue. Nakita ko na ang mga matayog na gusaling tila tatak na ng Makati. Nakakalula kahit tumitingala lang ako. Siguro hindi halatang baguhan ako kasi tinanong ako ng katabi ko kung ang babaan nung papuntang Rufino. Sabi ko, "ah, dun lang po yan sa ano... sa... ah... dun sa... manong drayber, saan daw yung papuntang Rufino?"

Nung bumaba sya dun sa tinatawag nilang Bus Stop 2, bumaba na rin ako…

(itutuloy)

6 comments:

James said...

Wahahaha! Walastik ninong! Ganyan talaga ang "unang salta". Ako nga eh sobrang nalilito sa mga loading at unloading stations. Akalain mong pinababa ako sa fx dahil unloading pala yun eh samantalang trapik naman! Haha! Strikto.

Isang bloke lang naman ang business district ng Makati. Di ka na din maliligaw kasi parang U-belt, magkakatabi ang mga kumpanya.

Gudlak ninong!

XyZa said...

goodluck sa training mo. binibigyan na nga pala kita ng pahintulot na mambabae.

Dexter said...

Sir I just wanna invite you here

http://techathand.net/2007/10/i-want-to-know-more-bloggers/

By the way what batch ka sa MIT

Ako 93 - ME

Ted said...

Welcome back!

Duroy said...

Ninong, kelan ka matatapos ng OJT mo?

A said...

Ha ha. Napaka-exciting pala ng trip mo papuntang Makati sir. Text mo ko next time nasa Makati ka, isang sakay lang Pacific Star galing sa bahay ko. May Starbucks katabi nun, nagppart-time barista yung isang Co-Ed ko dun. Sabi ko dadaan ako minsan. Sabay ka na rin! Ha ha ha.