Thursday, August 30, 2007

Plant Visit Part 2



may tama na...

Bago ang lahat, nais kong sabihin na hindi pala ako umiinom. Masyado. Bihira lang. Di rin ako nalalasing. Masyado.

Nung gastro (excursion sa skulpaper) dapat malalasing ako ng sobra. Baka, napa-"pare" na rin ako gaya nung iba. Haha. Kaya lang hindi natuloy e. Nagkatrangkaso ako bago ang inuman. Haha. Galing no? Convenient.

Kaya naman, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko pag may tama na ako.

Pero nasagot na rin ang misteryo na yun kahit pano. Dahil sa plant visit nung nakaraang biyernes, ngayon ay alam ko na. Kapag lasing pala ako…


Ako ang hari ng videoke.


At gaya nga ng nakagawian ng mga naunang graduating class, ang side trip ng plant visit ay…*drumroll*

Swimming.

Dahil nasa laguna na kami at galing ng APC dahil sa plant visit, sa calamba na rin kami dumiretso. Naglipana na ang mga private swimming pool at resorts sa Laguna. Palagay ko, sa sobrang dami ng mga resorts dito, mauubos mo ang isang taon kung dadalawin mo ang isa kada araw.

Pumunta kami sa isa sa mga resort dun. Dun sa… hmm… sa… Sa totoo lang, di ko matandaan ang pangalan nung resort. Basta Villa-something-something. Kadalasan yun naman mga pangalan ng resort dun e.

Maganda naman yung lugar. Malaki ang pool kahit mababaw lang. Ayos lang dahil lublob lang ang alam ko. Di ako marunong lumangoy e. Lulublob lang ako para mabasa naman ang buhok ko. Hehe. May dalawang cr sa baba. Tapos may dalawang kwarto daw sa taas. May mga table. Mayroon ding pool table sa tabi…

At may videoke.

Libre daw ang maglaro ng bilyar. Kaya habang nagpapalit ang mga nangangati nang lumublob lumangoy, e nagpalitan na sa 2 tako ang mga adik sa bilyar. Tulad ko. Apat na beses ako naglaro. Apat na beses nanalo. Doubles naman kasi. At matagal na ring hindi naglalaro ang mga tao.

Nagsimula na ang presidente namin na magdistribute ng inumin. Granma ang tawag nila sa inumin. Softdrinks na coke o royal ang chaser. Hmmm…

Para saan nga ba ang chaser? Di ko kasi alam e.

Ginamit nila yung takip ng bote. Ikinabit sa tinidor para maging sukat ng shot. Wala akong alam kung ilang ganun kada shot. E inom lang ako ng inom.

Sabik malasheng.

Mainit sa sikmura. At masarap ang coke. Haha. Naglalaro pa ako ng bilyar nung una. Walang kumakanta sa videoke. Isang tao lang, yung kaklase naming babae. Naisip ko, kakanta ako mamaya siguro. Hiya ako e.

Mamaya-maya, lumangoy lumublob na ako sa pool. Tama ang rinig ko, patraydor daw ang lola. Nahilo-hilo na ako. Naka-ilan na ba ako? Hmmm… Umahon ako sa pool, uminom ulit. Nag-antay makalaro ng bilyar. Antagal nila maglaro. Mga lasheng na rin ata e.

Dumampot ako ng limang piso. Hinanap ang listahan ng kanta. Pinakamadaling kantahin pag videoke e kanta ng mga banda. Kasi alam ng mga tao. Hindi ka magtutunog alien. Gusto ko sana kumanta ng mga oldies kaya lang baka magpatiwakal silang lahat o kaya patayin nila ako. Haha.

Kaya kinanta ko ay kanta ng mga banda. Partikular ang eraserheads. Nung una medyo mahina pa ang boses ko… pero nung walang pumigil sa akin at walang bumasag sa screen e nagtuloy tuloy na ako. Pare Ko, Tag-ulan, Kaliwete at kung ano-ano pa. Wala pa ring pumipigil sa akin. Wala pang nagbabato ng bote. Wala ring nagbabantang burahin ako sa ibabaw ng lupa.

Hindi ko tinitingnan yung mga score. Random generator lang ang dating e. Rigged kumbaga.

Para naman mamiss nila ang boses ko, lumublob ako sandali sa pool. Pero tinatawag ako nung videoke e. Haha. Ayun. Napaghalata na nilang lasing ako. Kasi tuloy-tuloy na ang kanta ko tapos sumusuray daw ako. Pero wala namang nagbato ng kung ano. Inaagawan lang ako ng mikropono ng mga taong lasing na rin. Pero ako pa rin ang hari.

Pinapalakpakan na nila ako nung bandang huli. Kinakawayan ko na kasi sila. Haha. Pinapatigil na ata ako.

Mga bandang alas-syete na nung umalis kami nung resort. Nakapagligpit pa ako bago umalis kaya hindi naman talaga ako lasing. Tipsy lang. Parang antok. Nung nakatulog ako, paggising ko, wala na masyadong tama. Nakauwi naman ako ng maayos pagkatapos.

Sabi nila, ngayon lang daw nila ako nakitang nalasing.

Haha, ako man.

Saturday, August 25, 2007

Plant Visit Part 1

Tapos na ang botohan. At di mo ako binoto. Oo, ikaw.

Tamad ka. Tsk tsk.

Ayoko na. Tampo na ako sa’yo. Kapag ako ay hindi nanalo, sisisihin kita. Lahat ng hindi bumoto sa akin ay magsisisi… magdurusa… mag-iisip na sana nagclick sya sa aking entry at bumoto.

Pero wala nang pagkakataon pa.

Magkalimutan na tayo.

Hahaha.

Biro lang. Pero pag nanalo ako, hindi ko kayo kilala.

Hahaha ulit.

Pero di biro yun. Hahaha pa rin.

Hmmm… Kahit na hindi ako binoto ng karamihan sa inyo… umabot ako siguro sa mga top 11 o mas mababa dun. Ok na rin. Kaya pa.

Oo, ok na. Bati na tayo ulit.
______________________________

Nagkaroon ng plant visit ang aming graduating class nung nakaraang biyernes.

At gaya ng nakagawian, lahat ng plant visits e may “sidetrip” na tinatawag.

Nagsimula ang araw na gaya ng ibang nagdaan. At si ninong, sa sobrang aga ng gising e parang hindi na natulog. Puyat na naman.

Pero 6:00 am daw kasi ang call time. 6:30 raw aalis ang bus.

At si ninong, na hindi na natuto at ayaw paiwan sa bus ay umalis na ng bahay ala-singko pa lang. Tamang-tama 6 :00 impunto nasa skul na sya.

PERO ang bus ay umalis ng 8:15 am. Hinintay pa nila ang kaklaseng 6 am na nang nagising.

Ang Mapuan time, lagi talagang delayed.

Nakarating kami sa APC mga bandang 10 am na siguro. Sa Canlubang, Laguna daw yun pero ang dinaanan namin ay yung Silangan exit. Bale yung lugar ay isa sa mga bagong Industrial zone sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon). At may mga bago nang pabrikang nakatayo dun.

Isang testing facility ang APC at bahagi ng Atmel Corporation na gumagawa ng mga semiconductors at Integrated Circuits. Bale ang tinetesting nila dun ay yung mga wafers o kumbaga yung “mapa” ng mga circuit. Temperature testing, stress testing, mga ganun.

First time raw ng APC tumanggap ng plant visit request. Kaya naman kahit sa seminar nila sa amin parang medyo nangangapa sila. Kahit anong pilit ko, hindi ko matagalan ang atensyon ko sa mga sinasabi nila. Pero nakuha ko naman yung gist, kaya ok lang.

tulog na...

Tapos, syempre may line tour. Tiningnan namin yung ibang ginagawa nila sa pabrika. Baka kasi hindi totoo. Hahaha.

Napansin kong ang mga machine operator nila puro mga bata pa… mga nasa 20’s lang. Mga graduate kasi ng technical courses ang kinukuha nila at binibigyan ng training. May mga cute, sabi nga nung kasama ko. Mas marami sa kanila ay babae. Sabi nga nung kaklase namin e dun na raw sya magtratrabaho. Hehe. Parang nakita ko na rin ang ginagawa ni Jocelyn sa trabaho nya.
Maayos ang assembly line nila. Metikuloso. Interesante. Talagang mahigpit at maingat. Sensitive kasi ang mga wafers sa static at dirt. Sabi nga nung guide, hanggang .5 microns lang ang diameter ng alikabok na tolerable sa ilang rooms nila. I-imagine mo na lang.

Sa unang tour, pinakita yung probe testing na ginagawa nila sa mga wafers. Dun sa pangalawang tour, pinakita naman yung “assembly line” nilang matatawag. Mahal raw ang mga makinang ginagamit… nasa six figures at dollars ang halaga bawat isa.

Ang nakakatuwa, pagkatapos ng tour ay meron pang pagkain. Oo. Nagulat ako. May meryenda na, may lunch pa.

Yun nga lang parang minaliit nila ang kakayahan ng mga Mapuan mag-imbak ng pagkain sa mga bituka nila. Kasi naubusan yung iba ng ulam para sa tanghalian. Buti na lang ibinalik nung iba yung sobrang kinuha nila. At naging maayos ang lahat nang walang foodfight, batuhan ng plato o kaya sasaksakan ng mga tinidor.

2 pm na kami nakaalis na pabrika…para mag-“sidetrip”.

(ITUTULOY...)

Monday, August 20, 2007

Attempts

What would you attempt to do if you knew you could not fail?
~Dr. Robert Schuller

Hindi na ako umaasang manalo sa pakontes ng wika2007 sa pamamagitan ng mga votes. Una sa lahat, popularity-wise, hindi naman ganun kasikat ang blog ko. Siguro dati. Wahaha. Nung huling tingin ko, may mga entry dun na lampas na sa 50 votes. Hindi kita kinukonsensya. Alam kong wala kang pake sa akin. Wahaha.

Nakonsensya ka na?

Alam ko rin na ang mga ka-link ko rito ay halos kapareho ko, walang hilig bumoto. Kaya kahit paano, ayos lang. Oo, ayos lang. Ayos lang sabi e… kulit mo. >_<

Kung gusto mong makatama sa dartboard, kahit di ka marunong sa darts, e bato lang ng bato ng dart. Mayroon ding tatama dun. Kaya gumawa ako ng entry para sa paligsahan na yun…at binato ko sa kanila… este sa dartboard.

Tumama kaya?

Umaasa akong magandahan ang mga nagbasa sa nilalaman nung ginawa ko. Kahit yun na lang.

Hmmm… gumaan ang pakiramdam ko at nakapagblog ako ulit. Medyo cramped na rin ang utak ko kakaisip ng kung ano-anong bagay. Natuklasan ko na hanggang wala akong sinisimulan e wala naman talaga mangyayari. Walang silbi ang mga plano kung di ka naman talaga magsisimula.

Subukan mo. <--kausap ko ang sarili ko?

Anyway.

Pinasadahan ko ang aking inaagiw nang link list at nagparamdam sa mga nakasalamuha ko nung ako ay nagsimulang magbloghop mga bandang March. Marami sa kanila ay nandyan pa ang blog, pero may mangilan-ngilang mga burado ang buong blog… hindi ko na alam kung saan na sila naroroon. At hindi ko alam kong bakit binura nila ang blog nila.

Sentimental lang siguro akong tao, pero di ko magawang burahin ang mga blog ko. Ginawan ko pa nga ng back-up yung mga posts ko. Just in case.

Habang nagblobloghop, napansin ko rin may mga naka-link sa akin na di ko naramdaman ang presensiya sa sarili kong blog. Kahit tag o comment, wala silang iniwang bakas. Para silang mga apparition…now you see them, now you don’t.

Syempre may mga “faithful” pa rin. Dumadaan at nagpaparamdam dito. Yehey. Clap clap. Ako’y bumalik, bumabalik at babalik dahil sa inyo...

May mga lumipat na ng blogsite, may nagkaroon ng sariling domain, may mga kapareho ko na nandun pa rin ang blog pero kasabay ko rin halos nung nawala… hiatus daw ang tawag nila dun.

Bumalik na ako. Babalik pa ba sila?

Saturday, August 18, 2007

Ang Obra

Ang post na ito ay aking isasali ko sa Wika 2007 Blog Writing contest ng Pinoy Blogosphere. Sana manalo. Hahaha. Gusto mo akong tulungan? Pwede. Kailangan mo lang akong iboto. Pero saka na natin pag-usapan yan, basahin mo muna ang aking kwento. n_n Sa August 20 pa naman ang botohan.

(update: Maaari ka nang bumoto DITO)



Nung nagsabog ang langit ng iba’t ibang wika, isa ang Pilipinas sa nauna sa pila. Dala-dala nito ang isang malaking bayong upang paglagyan ng mga wika. Hinakot nito ang karamihan sa mga wika: Tagalog, Hiligaynon, Cebuano, Ilokano, Bikol, Kapampangan, Waray, Maranao at iba pa.

Natawa ang ibang bansa dahil sa dami ng kanyang kinuha. Nag-aagawan naman ang ibang bansa para makuha ang Ingles, Mandarin at Russian.

Sabi ng Alemanya pagkakuha nito ng wikang Aleman, “Pilipinas, ang dami mo namang kinuha. Aanhin mo ba ang mga iyan? Isa lang naman ang kailangan natin para mabuo.”

Ngumiti ang Pilipinas habang tangan ang mabigat nitong bayong at pagkatapos ay sinabi, “Gagawa ako ng obra.”


Walong taon na rin ang lumipas nung una akong nasabak sa pag-aartista. Walang film, walang kamera, wala naman talagang pelikula. Pero may pagtatanghal sa munting stage ng aming paaralan.

Pagdiriwang kasi para sa Buwan ng Wika.

Bilang paggunita sa okasyon, nagkaroon ng munting programa pagkatapos ng flag ceremony. Ok lang sa mga estudyante, kasi walang lesson kapag may program. Yehey! Sino bang gugustuhing maburo sa loob ng silid-aralan at kumopya ng lecture habang nanood ang iba ng palabas sa stage. At malapit lang ang canteen sa quadrangle. Pwede ka pang mag-almusal habang may show.

Iba-iba ang pagtatanghal na ginawa ng bawat baitang…may mga sumayaw, may mga tumulang parang kumakanta at mayroon din namang kumanta na parang tumutula.

Lahat sila kumpleto with Filipiniana costume. Makabayan rin kasi ang mga tao kapag buwan ng wika.

Kami naman ay nagbahay-bahayan este nagdula-dulaan sa stage. Ginawa naming mala-telenobela ang buhay ng dating pangulong Manuel L. Quezon na tinaguriang Ama ng Pambansang Wika. Napilitan akong gumanap na Quezon dahil kaaway ng direktor naming babae yung isa naming kaklase na pwedeng sanang gumanap sa role.

Ayos lang, naisip ko, dahil mayayakap ko naman yung dalawang crush ko dati. Gaganap kasi sila bilang asawa at anak ko. Hahaha. Oh, the joys of elementary crushes. Hahaha.

Mahaba rin ang dula na yun dahil hanggang pagkamatay ni Quezon sa Saranac Lake sa kasagsagan ng World War II ay inabot namin. At siyempre nadaanan din ng dula na yun kung paano at bakit itinulak ni Manuel Quezon ang pagkakaroon natin ng isang pambansang wika.


Sabi nila, mahigit sa isangdaan at pitumpu (170) ang mga wika sa nagkalat na mga pulo ng Pilipinas. Na tayo ay nabuklod sa iisang pagkakakilanlan sa kabila ng ating pagkakaiba sa wika ay isa nang malaking tagumpay para sa ating bansa. Ito ay patunay na hindi hadlang ang mga pagkakaiba ng mga salitang namumutawi sa ating mga bibig upang tayo ay magbigkis at magkaisa. Marahil nga ay hindi madali ang daan, pero pinakita nating hindi rin naman imposible na tahakin iyon.

Maraming wika, matatag na bansa.

Kagaya ng isang halo-halong sumasarap dahil sa iba-iba nitong rekado, ang ating kultura ay makulay dahil sa iba-iba nitong wika. Isipin nyo na lamang ang halo-halong gawa lang sa yelo at condensada. Maaaring may lasa ito, pero hinding-hindi maikukumpara sa sarap ng tunay na halo-halong may leche flan, pinipig, garbanzo, ube, langka, nata de coco, saging, gelatin at iba pa. Hindi naging masama ang pagkakaiba ng mga rekado sa lasa ng halo-halo, bagkus pinagyaman ng iba’t-ibang halo ang linamnam nito.

Maging sa paghahabi o sa pagpipinta, ang isang magandang disenyo ay hindi nabubulid sa isa o dalawang kulay lamang kundi sa pagsasama-sama ng iba’t ibang kulay at dibuho o pattern upang makabuo ng isang obra. Hindi nakakabawas sa ganda ng obra o habi ang iba’t- ibang kulay, bagkus ay nakadaragdag pa ito sa kagandahan ng disenyo.

Maraming wika, matatag na bansa.

Ang pagkakaiba ng ating wika ang nagpapatunay na mayaman ang ating kultura at dapat ipagmalaki. Ang pagkakahiwalay ng ating mga pulo ay hindi naging hadlang upang tayo ay makilala bilang isang bansa. Ngunit matagal ang panahong inabot upang makamtan ang pagkakaisang ito. Mahigit na tatlong siglo tayong napasailalim ng mga Kastila dahil hindi tayo agad nagkaisa.

Pero wala namang obra na minamadali. At ang ating pinipintang dibuho ay hindi pa tapos.

Pinangarap ni Manuel Quezon na tayo ay mabuklod sa iisang wika. Pero bagaman tayo ay binubuklod ng wikang Filipino, pinatatatag naman tayo ng ating iba’t ibang wika. Dahil pinapakita nito ang ating kultura na pinamana ng ating mga ninuno. Kultura na siyang ating pagkakakilanlan. Iba-iba man ang ating mga wika, habang kinikilala natin na tayong lahat ay mga Pilipino, tumatatag ang ating bansa. Dahil kung maipagmamalaki natin ang ating pinanggalingan, taas-noo nating tutunguhin ang kinabukasan.


(Nagustuhan mo? Kahit hindi, pwede mo pa rin ako iboto
DITO)


PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)

presents

Wika2007 Blog Writing Contest

Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa


Sponsored by:

Ang Tinig ng Bagong Salinlahi

Sumali na sa DigitalFilipino.com Club

Sheero Media Solutions - Web Design and Development

Yehey.com - Pinoy to p're

The Manila Bulletin Online

WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia

Friday, August 17, 2007

MacArthur


"Nanggaling na tayo dito ah?!"


I intend to live forever... or die trying.

~anonymous



Walang habambuhay nawawala.

Dahil ang isang tao, kung hindi pa napupunta sa ibang mundo, e babalik at babalik sa kung saan man sya masaya.

At ako... e babalik at babalik din dito.


Hahaha. Ang o.a. >_<

Dala lang siguro ng malakas at pabugsu-bugsong mga pag-ulan. Alam nyo na, kapag umiiyak ang langit at humahalik sa tigang na lupa... blah blah blah and so on and so forth. Ayun, ang sarap magdrama.

Eto na ang ikatlong pagkabuhay ng ninong.blogspot.com. Woohoo. Magdiwang. Ang kulit-kulit ng blogero. Hindi makuntento. Aalis. Pero babalik rin naman. O_o. Re-layout na naman po ang lagay.

Naisip ko kasing ngayon na ang oras upang bumangon at muling sakupin at less than 30% ng pinoy blogosphere. Bwahahaha. Gayundin ang .0353% ng foreign blogospheres na di maintindihan ang salitang Filipino pero dumadaan pa din dito sa blog ko ang nag-iiwan ng tag.

Nanumbalik sa aking gunita ang aking masidhing pangako sa sarili.... na paluluhurin ang mga taga- Google Adsense na tumanggi sa blog ko dahil hindi nila ako kinayang intindihin! Paluluhain ko pa nga pala sila ng dugo...

...at limpak limpak na salapi.

P.S.

Kanina lang ata ang first time ko na nakarinig ng suspension ng klase para sa araw ng Sabado. Hmm... clap clap. Sa wakas, naisip rin nila na may mga estudyante pang pumapasok pag sabado.

At ito ang aking centennial post.

Wednesday, August 08, 2007

Mind blank

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah.