Monday, April 23, 2007

Name Tags

“The time you enjoy wasting is never wasted time.”
~John Lennon

Natapos na ang unang linggo ng 4th term sa Mapúa at tama ako… wala nang mas boring at mas frustrating pa kaysa sa pagpasok sa eskwelahan habang ang iba’y nasa bakasyon. Naiisip ko pa lang e nasisira na ang araw ko. Hahaha.

Andaming dapat gawin pero andami ring mas masarap gawin kaysa sa paggawa ng dapat gawin. Mas masayang mag-ubos ng oras…

Buti na lang at tapos na ako sa layout. Natapos rin.
_______________________

Hindi pa rin ako nakakapag-adjust sa schedule kong ubod ng ganda. Ibig sabihin nakakatidlip pa rin ako sa klase ng hindi sinasadya. Pumapasok pa rin akong tila lasing kapag MWF dahil sa gaan ng ulo kong lumulutang sa kaantukan. Parang hotel ko na naman ang opisina dahil nagsisiesta rin ako dun pag di ko na talaga kaya. Kung makakalakad lang akong nakapikit at tulog ay ginawa ko na. Sayang at di pa ganun ka-advance ang auto-pilot ko. Di pa nya kayang i-handle ang astral projections. Haha.

Karamihan sa mga klase ko ngayon ay napaka-depopulated. Sa tatlong klase ko hindi lumampas ang bilang namin sa sampu. Lalong tuloy nakakabagot dahil konti na nga kayo, yung mga prof ko pa dun ay hindi mapahaba ang napakaikli kong attention span.

Siguro may ADHD ako o kaya madali lang talaga madistract, dahil kapag lecture, 5 minutes ko lang silang naririnig pagkatapos static na sila. zzzz zzzz zzzzz zzzz zzzz zzzz. Masyadong malakas ang interference at hindi ko na masagap ang mga signals na pinapadala nila. Wala na akong madecode.

Gustong-gusto ko na sana i-maximize ang aking 6 allowable absences per lecture. Lalo na sa Database class kong 7:30-9:00 am (MWF). Napakaaga kasi ng klase e. Itutulog ko na lang sa bahay, itutulog ko pa sa classroom! Tsk tsk.

Pero kasi sayang e. Baka biglang kailanganin ko sa mas importanteng dahilan. Kaya hanggang kaya, tiis muna sa Tagalog translation class. Sabi nga ni tessa e tinatagalog lang daw ni ma’m kasi yung nakasulat. Pero in fairness, nagtuturo na sya ngayon.

Last term kasi sya rin prof ko sa Java, kwentuhan blues lang kaming magkakaklase. Nakaupo si ma’m at gumagawa ng hindi mabuo buong example ng java programming. Kami namang limang magkakaklase ay nagkwekwentuhan ng Naruto, Bleach, Design 2, latest technologies at mga latest chismis sa skul. O_o

Buti na lang at minsan mabilis naman ang oras. Lalo na kung may iba kang ginagawa tulad ng pagtetext o kaya ay pagdrodrowing.

Hindi talaga ako ipinanganak para makinig sa mga lectures. Hirap na hirap ako. Sobrang effort. Nakakaubos ng enerhiya ang konsentrasyon. Siguro may kinalaman sa prof. Pinaka-“matino” ko nang prof e yung prof ko sa COE Ethics. Mas naiiintindihan ko pa sya kaysa dun sa mga prof kong parang gumagamit ng ibang lenggwahe.
___________________

Pagkatapos ng humigit-kumulang walo o siyam na taon, tila nagbalik akong elementary. Pano kasi si Ethics prof, pinagdala kami ng name tags

Naalala ko tuloy nung bata pa ako… parang ID ang nametag, hindi pwedeng kalimutan. Pag nakalimutan mo wala kang Kerokeroppi o kaya Star na stamps sa kanang kamay.

Sino ba ang unang nakaisip na magnametag ang mga estudyante?

Andami ko na ring naging nametag. Sayang at di ako palatago nito. Kasi laging nawawala. Nakakatuwa nga yung mga nametag namin noon. Pagandahan. Parang napakaexcited ng ibang mga magulang (o guardian) na gawan ng mga nametag ang mga chikiting nila. Marami ring walang pake.

May mga nametag na kompleto sa impormasyon. Buong pangalan, section, adviser. May Telephone number pa sa likod. Meron ako nito nung Grade 1. Printed pa yung akin galing sa dot matrix printer sa opisina ng nanay ko. Nakadikit sa cardboard (o kaya folder) tapos may plastic cover pa. Overkill.

May mga nametag naman na di lang mga pangalan at teacher ang nakalagay. May picture pang kasabay. Tsk tsk. Minsan 1X1, meron pang mga mahiyain na 2X2 ang pic size. Required sa amin nung prep na may picture ang nametag sa di ko na maalalang kadahilanan. Baka kasi siguro magpalitan kaming magkaklase ng nametag at malito ang aming guro. Yung nilagay dun sa nametag ko e yung picture ko rin sa ID.

Naalala ko na kahit mga bata pa lang e uso na ang customization. Pagkatapos ng mga tatlong araw, naiisip na ng mga mag-aaral nag awing “kanila” ang mga nametag nila. Ang nametag ay hindi lang iyo dahil may pangalan mo ito, dapat kahit pano ay nirereflect rin daw nito ang iyong pagkatao at personalidad. Hehe.

May mga nametag na may stickers lalo na kapag babae ang may-ari. Mga stars, bulaklak, cartoon characters. Normal na si Tweety Bird at si Beauty. Pag lalaki, uso sa nametags ang mga vandals. Lalo na yung likod ng nametag. May mga drowing ng kung ano ano sa likod. O kaya nilalagyan ng design yung lettering. Ina-underline o kaya pinipentel pen, minsan hina-highlighter. O kaya may mga sticker ng Streetfighter at Dragonball.

Mga mga nametag na nickname lang ang nakalagay. Ako, ganun ang nametag ko pag naiwan ko ang akin sa bahay. Improvised lang kasi, sa classroom lang ginawa. Pag desperado (may plus points na nakasalalay), gugupitin ko yung “karton” na nasa likod ng mga pad paper at ipepentel pen ko ang pangalan ko. Pupunitin at bubutasin ko sa pamamagitan ng lapis at ididikit ko kasabay ng ID. O kaya hahanap ako ng scotch tape na nakadikit sa notebook at yun ang gagamitin ko para dumikit sa ID ang nametag ko.

Mga two to three weeks lang ang life span ng isang nametag. Pagkatapos nito, malamang nawala na ang nametag mo o kaya ay hindi mo na ito kailangan. Ako, basta pag hindi na sinita ng guro ang mga walang nametag ay wala na rin akong nametag. Adik ka na kung naka-name tag ka pa pagkatapos ng isang buwan. Kahit siguro mga mag-aaral sa kabilang section makikilala ka na kasi ikaw na lang ang meron.

Ano hitsura ng mga naging nametag nyo?
__________________________

Pumasok ako sa ethics dala dala ang mainit-init ko pang nametag. Kakagawa ko lang kasi sa opisina (perks ang printing) kaya bagong luto, ika nga. Nakita ko ang mga kaklase kong may mga nametag rin. Nagmukha kaming elementary. Yung isa kong kaklase pang empleyado ang nametag. HI, I’M (insert name here), how can I help you?

Sana may remote control akong tulad sa pelikulang CLICK. Panonoorin ko ang buhay ko.

7 comments:

sherma said...

name tag... ainako! nung nag-stat ako, may name tag din kami! pag hindi mo suot, minus 10! grabe!

nung elementary ako, provided ng teacher namin ang name tags namin... pare-pareho kaming magkaka-klase... hehehe...

-comment sa comment mo sa previous post: ang mga Mapuan kasi, hollows... hahaha!

cha said...

mas okay nga may pasok eh, kaysa naman nakatunganga sa bahay,, wag lang sana magklase ang prof,,

nametag,, requirement noong elementary, tsaka dun sa isang subject namin noong high school,,

kel said...

name tags. mga teachers talaga, mahilig magpa-memorize ng kung anu-ano pero mga pangalan ng mga estudyante nila, di nila matandaan, kailangan pa ng name tags. :D

tina said...

name tag? naalala ko name tag ko noon... ang cute ako gumawa eh. hehhe

mousey said...

sa 1st day ng school ginagamit ang nametag. sa kindergarten palakihan sa upper years paliitian hahah...
o kaya si tcher may seat plan.

sam said...

Hindi na ako gumawa ng nametag magmula ng unalis ako sa jame. sa school naman namin anything goes e.

Fjordan Allego said...

talaga bang nakaname plate pa kayo?? tsk tsk nakakatwa nga talkaga dahil para kayong mga bata.. pero mas nagenjoy yata ako sa mga kwento mo nung kabataan mo hehehe.. sana wag ipagawa sa amin yan ng mga prof namin hehehe