Tuesday, February 03, 2009

Elevator

2/4/09 11:23

"Serendipity is looking in a haystack for a needle and discovering a farmer’s daughter."
- Julius Comroe Jr.

Napaka-boring ng umaga na ito.

Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah! Nakakatamad...

Nagpa-late na nga ako at lahat, pero pagdating ko sa training room, pang-apat pa akong dumating. Siguro kahit tinapos ko pa yung Super Inggo e pang-apat pa rin akong dadating... mga batas talaga ang mga tao dito.

Wala pa naman si LeadOne. Kahit nga LeadTwo ala pa. Siguro mga after lunch pa yun pupunta dito. Ewan ko kung ano ang ginagawa nila ngayong umaga, baka nasa mga pwesto lang nila at nagchi-chill. Kaso mga slave drivers yun e, mas malamang na nag-iisip yun ng ipapagawa sa amin...

Namimiss ko na tuloy yung cubicle ko. Kung nandun ako, malamang tulog na ako ngayon. Tago dun e.

May itatanong pa naman sana ako kay LeadOne tungkol dun sa ginagawa ko, at dahil wala pa sya, di ko yun maituloy. Kawawa naman ako at wala akong ginagawa. Hehe.

Siguro ang tanging highlight lang ng umagang ito e nakasabay ko si Miss sa elevator. Nakita ko na sya papasok sa building. Kasama nya yung iba nyang kasama sa department. Kaso pagdating sa lobby nakita kong humiwalay sya sa kanila. Ayos. Mukhang magkaka-moment. Kaya naman kahit nauna ako sa kanya e hindi ako sumabay sa paakyat na elevator, sa halip, hinintay ko na lang sya. Kunyari di ko alam na paparating sya...

Pagkakita ko sa kanya, aba, magugulat-gulat pa ako kunyari. Ngiti ako. Hello. Kamusta. Sabi nya naman, "Hello din". Parang nahiya pa. Di naman kasi kami close. Haha.

Sabi ko, "Ang ganda mo ngayon ah, bagay sayo yung ribbon mo." Sabi nya, "Ikaw din parang pumopogi ka..."

Meh.

Ang sabi ko talaga, "Ok sana ang suot mo kaso siguro mas bagay sayo yung bright colors..."

Meh ulit.

Ang sabi ko talaga, "... ... ... ... ..."

Yun lang din sinabi nya.

Pinindot ko yung UP. Dami na naming napag-usapan e. Ayun sakto, pagdating ng elevator, dalawa lang kaming sumakay. Sinara ko agad bago pumasok yung isa. Papapansin pa e.

Pinindot ko yung floor ko. Pati na rin sana floor nya kaso naunahan ako. Sayang. May joke pa naman ako dun. Nabara tuloy. Next time na lang.

Awkward silence.

Bigla na lang narinig kong parang hinihingal sya. Tapos nakita kong humahawak sya sa batok nya at di mapakali. Parang nanggigigil. Kislot ng kislot. Kunyari di ko sya pinapansin. Weird e. Tapos naramdaman kong papalapit sya sa akin. Naamoy ko na ata ang pabango nya... parang may tumutugtog nang jazz sa background... Tumingin sya sa akin... sabay pindot dun sa emergency button...

Parang napanood mo na no? Hahaha. Sayang hindi ako nag-Axe... kaya siguro hindi nangyari.

Awkard silence lang kami hanggang dumating sa floor nya. Mahiyain sya masyado. Hahaha. Di bale maganda pa rin, pagtyatyagaan ko na. Haha.

At akalain mo, may blog post na ako agad.

Wednesday, January 28, 2009

Mandatory Post 1

1/29/09 10:15 am

Being a writer was never a choice, it was an irresistible compulsion.
-Walter J. Williams

dahil nangako ako sa sarili na mas magiging masigasig na maglathala kaysa dati, kung kelan 1 beses lang sa isang linggo akong gumawa ng post, eto susubukan kong gumawa kada 2 o 3 araw. o kaya kada 7 days, depende sa mood. hanggang kailan natin mapapanindigan ang pangako na yan? hindi ko alam. tinitingnan ko lang kung babalik ang aking dating hilig.

maaga ako sa opis ngayon. kasi hindi pa ako umuuwi. sipag no? hindi rin. kasi hindi naman ako nag-OT kagabi... ...

Pero isa sa gusto ko dito sa opisina e parang yung opis namin sa dyaryo... may tulugan. Kaya nga kahit na bihasa na akong matulog na nakaupo (bunga ng matinding sage training sa Mapua), iba pa rin yung kumportable kang nakakahiga.

may paliguan din. ang galing. para akong may condo sa makati at malapit lang sa trabaho. nakakainis lang at nasira yung heater nung shower. kalamiglamig tuloy ng tubig. ramdam mong nanunuot hanggang kaluluwa. para akong naligo sa er... yelo.

oo may baon din ako ditong damit, sabon, shampoo, toothpaste, toothbrush, tuwalya, unan, noodles... pwedeng-pwede na nga ako maistranded dito pag binaha ang buong makati. pero 2 days lang.

yun nga lang kung kelan ako maagang pumasok, dun naman kami walang ginagawa. training kasi dapat ngayon. 4th day na. At dahil model employee, 3 days na akong late. dapat talaga di ka na maglalaro bago umalis ng bahay. tatanghaliin ka talaga.

noong mga nakaraang araw pag dumadating ako sa training room, may ginagawa na sila, nagsasalita na yung nagtuturo. ok lang naman kasi hindi sya mahigpit, saka kaya nga may katabi e, para may matatanungan di ba? saka quick learner naman ako... ata.

baka may meeting ulit yung trainer. may general meeting kasi mamaya. reorganization daw. basta dapat may pakain sila, yun lang masasabi ko.

Monday, January 26, 2009

Filler

1/27/09 3:30am

"I started out with nothing and still got most of it left"

hindi naman masyadong halata pero kung sakaling hindi mo nga napansin, e di pa tapos ang pagsasaayos ng blog na ito. medyo nasa "conceptualization" phase pa nga tayo, ika nga. kung gaano katagal tayo mananatili dun ay hindi ko masasabi, dahil ang mga ideya, tulad mga bagay ay gumaganda raw pag di minamadali. o dahilan lang ba yun ng mga tamad. o kaya palusot ng mga taong naglalaro lang ng Fallout 3 sa bahay at pa-browse-browse na lang ng mga site sa opis.

ewan.

medyo nangalawang na siguro ang aking panulat. matagal na rin kasing hindi nagagamit. mula nang iwan ko ang dyaryo, hindi na ako sumusulat ng artikulo sa ingles, maliban na lang siguro kung mag-eemail ako dun sa mga foreigner pag mali-mali sila. minsan kasi may pagkaengot sila.

hahaha.

may isang taon na rin siguro ako lumiban sa pagbloblog. hiatus daw sabi ng mga nagpauso. bakit nga ba naghi-hiatus? siguro dumarating lang talaga tayo sa saturation point na tinatawag. biglang parang ayaw mo na gawin ang isang bagay na gustong-gusto mo namang ginagawa dati. wala naman talagang dahilan. isang araw maiisip mo na lang, "parang ayoko na ng 1pc chickenjoy". biglang magsasawa ka na lang sa kaka-go bigtime sa Mcdo, o masusuka sa jolly jeep.

dahilan ng hiatus? pwedeng marami, pwedeng wala. siguro nabagot ka lang. siguro sumala sa alingment ang iyong mga bituin at planeta. nawalan ng internet. nahuling natutulog sa oras ng trabaho. namatayan ng aso. siguro nabusted ka, nambusted, nagkaroon ng lovelife o kaya ng imaginary gelpren.

o kaya nainis sa mga nagbabasa ng blog mo pero di naman nagkokomento. hahaha.

umaasa ako na sana ang panulat ko ay parang ability ng mga hero sa DOTA. pag naabot mo na ang ganitong level at napili na ang ganitong ability, hindi na nawawala yun kahit hindi mo gamitin. kailangan mo lang ng sapat na mana points para magamit mo ulit. Siguro naman sa tagal kong nag-antay, puno na ang mana points ko?

Thursday, January 15, 2009

kilapsaw?

hindi ka naliligaw.

ang blog na ito ay kasalukuyang nire-reset.

Saturday, September 20, 2008

Project Lafftrip Laffapalooza


Medyo natagalan ako bago matapos ang post na ito sa simpleng kadahilanan na matagal ko na itong hindi ginagawa, at nakalimutan ko na kung paano. Limang buwan pa lang ang nakakaraan pero mukhang nakalagay sa Recycle Bin ng utak ko lahat ng may kinalaman sa pagbloblog at yung ibang files e nabura na. Buti na lang di ko pa nalilimutan password ko.

Nag-expire na yung domain na napanalunan ko dun sa pakontes ng pinoyblogosphere. At hindi ko nagamit. Mabilis rin pala ang isang taon kung di mo iisipin. Sayang. Malamang binigay ko na yun dati pa sa kung sinomang gusto gumamit ng ninong.net na domain.

Marami nang blog ngayon. Nakakalula nang dalawin isa-isa. Gumawa na rin sila ng sari-sarili nilang tribo. Nagsama-sama, nagkumpol-kumpol at syempre nagkaaway-away. Kanya-kanyang pasiklaban, kaniya-kaniyang pataasan ng ihi.

Natabunan na ang mga taong may sariling mundo.
________________________________

Gaya ng karamihan sa post ko dito, walang kinalaman ang intro sa gusto kong sabihin. Hehe. Gusto ko lang sumali dun sa pagboto ng Project Lafftrip Laffapalooza ni Badoodles sa kwentongbarbero.com.

Dahil mahilig akong nagmamadali ginagawa ko ang post na ito isang oras bago ang deadline. Ang alam ko mamayang 12:00 am pa ang deadline pero di rin ako sigurado. Wala naman nang mababago ang boto ko, mukhang malalayo naman ang agwat nila sa standings. Pero sayang naman kung ako dapat yung mananalo nung premyo diba? House and lot din yun, este 15k pala.

Hindi ko na iboboto ang sarili ko. Maswerte sila dahil hindi na ako kasali. Di sin sana ako na ang nagmamakaawa at nagpapatirapa para sa boto nyo. Na hindi ko naman na pala kailangan dahil malamang kung kasali ako landslide. Panalo na sila. Hehe.

Botohan na:

1. Chiksilog.com - pinagbabantaan nya ang buhay ko kapag di ko siya naiboto. Kaya eto binoboto ko na sya dahil napakalakas nya sa akin. Itinigil ko muna ang paggawa ng wala para gumawa ng entry dahil mahal ko pa... ang buhay ko at marami pa akong pangarap sa buhay. Hehe. Di raw sya humor blog. Pero marami pa rin ang nagkakamali.

2. The Loser's Realm - kulang ang pinambayad nya sa akin para sya ang gawin kong top1 vote ko pero sapat na para ilagay ko sya sa number 2. Magbabago na habambuhay ang tingin ko sa banyo dahil sa litrato kung san nakita ko syang kumakain habang nakaupo sa trono. Pero kasingkulit sya ng taong iinom ng sprite gamit ang straw na nakasaksak sa ilong. hehe.

3. Kokeymonster - kapangalan nya yung kaklase ko nung elementary at nung bata pa ako. Kung alam ko lang na may hidden meaning ang pangalan nung kaklase ko na yun, malamang elementary palang e sira na ang buhay nya. Kasingkulit ni Ferbert ang tatay ng nagpangalan sa kaklase ko nung elementary. Hahaha. Gulo.

4. Kissescomics - Hindi masyadong active ang gumawa nito pero gustong gusto ko ang comics nya. Lahat ng characters nya ay pangalan ng pagkain. Kung active lang sya malamang top1 sya dito. Kaya lang istorbo talaga sa kasikatan ang pag-aaral na yan. Idol ko to, sana makagawa din ako ng komiks.

Ayun. Di ko alam kung mayayaya ko pa kayong sumali kasi 15 minuto na lang at tapos na ang pagboto. Sensya naman. Next time na lang kayo bumawi. Hehe.

Friday, April 04, 2008

A Good Run

Though I might hate to admit it, it seems that this blog is dead. It had its glory days, it had its good run, but nothing lasts forever. It gained many friends, expanded the horizons of my self-proclaimed influence and even help me have a somewhat short, turbulent but interesting lablayp. It even won me a good sum of money and a 1-year free website that I am currently wasting.

I gave a good effort to keep it alive. But I am finding it hard to post here as the days go by. Maybe it's too long gone to revive it.

I think I need a new one. One of these days.

Wednesday, April 02, 2008

Palitaw

Hello Blog!

Namiss mo ba ako? Wala na akong maisip na palusot kung bakit di ako nag-uupdate. Nagamit ko na ata lahat. Marami-raming beses na tayong nag-on at off, daig mo pa ang imaginary girlfriend ko.

Ito na ata ang pinakamatagal nating cool off sa lahat, kung di ko ibibilang yung 1 taon sa pagitan ng unang post ko mula nang magsimula akong magblog hanggang sa pangalawang post ko nang maisipan ko yun ituloy.

Hindi naman tayo nag-away di ba? Bigla na lang walang oras. O kaya naman ay may iba nang pinaggamitan ang oras ko na dati kong inilalaan para sayo. Sana lang girlfriend yun. Sana lang. Haha. Kaso hindi e. Hindi talaga.

Dahil matagal na akong hindi nagkwekwento, pagsasawaan nyo ang nobelang ito.


Mahirap pala magpayaman. Hindi biro biro ang pagkita ng salapi. Akala ko dati mas mahirap magkagirlfriend (teka, kanina pa yung motif na to), pero mas mahirap pala magkagirlfriend talaga. Haha.

Siguro madali lang ang trabaho ko. Buong araw akong nakaupo. Parang patabaing baboy. Tatayo at maglalakad lang ako para kumain. Minsan nga di na ako tumatayo. Tatayo lang ako kapag nakikipagtalastasan (tumatambay) sa mga kasama ko dito sa opish. Minsan di na rin ako tumatayo. Tatayo lang ako kapag gagamit ako ng c.r. Di kasi pwedeng di tumayo.

Mahirap din mag-isip. Marami pa akong di naiintindihan dito sa ginagawa ko. Pero marami na rin naman akong nagegets. Naisip kong may pagkahenyo pa rin naman pala ako. Akala ko kasi pinudpod na ng Mapua ang aking angking galing, kung meron man. Sa totoo lang nahihirapan akong iexplain kung ano ang ginagawa ko dito. Andami dami nilang tawag, EDI mapper, EDI developer, EDI software engineer, etc.
____________________________

Ok naman ang mga tao dito. Mababait naman sila. Di pa rin nawawala ang mga hinaing nila sa mga tao sa taas. Ganun naman ata talaga kahit saan. Lahat may hindi gusto. O kaya lahat ng nasa taas pasaway. Pero ok naman dito. Medyo napahiwalay pala ako sa mga kabatch ko. Kaya yung mga kasama ko mga matagal na dito. Pangit ng pwesto ng cubicle ko.

Nung una ayos, dahil nakatalikod ang monitor ko sa daanan ng tao. Kaya lang nirelocate ako ulit. Sa bandang dulo pero kita yung monitor ko. Nung mga unang araw nahirapan akong kakalingat sa likod kapag magsusurf ako. Hanggang naisipang kong bumili ng salamin. Yung dinidikit sa sidemirror ng kotse, yung maliit na bilugang salamin. Ngayon kita ko na kung may dadaan sa likod ko.

Balik tayo sa pagpapayaman. Naaalala ko yung nakasabay ko nung training. Matagal na syang nagtratrabaho. Kakalipat lang nya dito sa company namin. Tinanong ko kung magkano na sweldo nya. Syempre ayaw sabihin. Di ko naman siya uutangan. Sabi nya na lang "Basta yung sweldo nyo, tax ko lang yun". Aba, di ba steer yun? Anlaki naman ng sweldo nya. Pero sabi ko na rin, waw, ang laki naman. Sabi nya, wala rin daw yun. Habang lumalaki ang kita, lumalaki rin ang gastos.

At tama naman sya. Kapag may pera ka, maraming bagay ang pupuntahan nun. Di nauubusan ng pupuntahan hanggang meron.

Pero di ko kayo bibiguin, papaunlarin ko pa ang Pilipinas. Para wala nang aalis.
___________________________________

Ngapala. Pumunta na ang kuya ko at ang asawa nya ng Dubai. Dun na sila magtratrabaho, at kung papalarin, pupunta sila ng Canada pagkatapos.

Umalis na rin pala yung nakabaliwan ko noon sa Mapua. Nagpunta na ng steyts. Nagmigrate kasama ng pamilya nya. Hanep rin no? Baka mabuti na rin sigurong hindi naging kami. Baka napilitan din ako magmigrate. Pano na lang ang Pilipinas? Pero yung boypren nya andito pa. Susunod kaya yun? Baka magbreak sila. Harr harr.

Nakakalungkot din kahit pano. Kahit di na kami ganun kaclose nung babae. Nagyaya pa siya mag Mall of Asia nun kasama mga dati naming kablock. Pero tatlo lang kaming pumunta na kablock nya bukod dun sa kanya at sa boypren nya.

Ayun, masaya naman sila. Natuwa sila sa akin. Nakalimutan ko nang komedyante pala ako sa grupo na yun sa tagal ko nang hindi sila nakasama. May blog sana ako para sa pangyayaring yan, english pa. Mas maramdamin. Ipopost ko na lang pag nakita ko yung scratch.

Ano pa bang ikwekwento ko? Dahil nga kulang ng tauhan dito sa company namin (napirata ng ibang company), at napakaraming projects, "humiram" ng 30 tao ang company sa Solutions Delivery ng IBM. Hiniram sila for 3 months. syempre may bayad yun. masayang kasama itong mga taga-IBM, mahaharot parang mga bata. maraming pasaway. pero ayos sila. Medyo nakakaasar lang at natapos na ang kontrata nila. Kung kelan halos magkakakilala na kami.

Medyo nalasing na naman nga ako nung isang gabi. Yung mga taga-IBM kasi e. Birthday nung isa nilang kasama. Nagyaya sa bahay. Sabi ko di na ako sasama. Ayaw pumayag. Babae pa naman. Napilitan tuloy ako sumama. Sabi nila kakain lang. Kumain nga pero nag-inom din. Granma lang naman. Pero may videoke kasi. Tsk tsk.

E dito kasi tahimik ako. Alam nyo na, shy type. Nagulat na lang sila nung makailang tagay na, at nang medyo may tama na, hinihingi ko na yung mikropono sa kanila. "Rock star" daw pala ako pag lasing. Kanta ng kanta. Nahiya pa nga ako nun e. Haha.

Ayun lang. La na ako maisip e. Nagttype lang ako ng tuloy tuloy. Nandito pa pala ako sa opis. Bukas pa ako uuwi e...