Wednesday, February 23, 2011

nonchalant

parang ayaw ko pa umuwi.

bitin ang 3 months. masarap ang allowance. masarap ang independence.

sabi nga kapalit ng independence ay solitude. siguro loner lang talaga ako. kasi ok lang sa akin.

pagbalik sa Pilipinas siguro marami na naman problema. Mas mura nga bilihin, maliit lang
din naman ang sweldo. Ala rin.

pareho lang naman na wala ako social life kahit saan. haha.

mag-oOT na naman lagi. papasok ng weekend. tsk tsk.magsisimba. ah!

sana ipadala ulit. kahit dito uli ok lang. kahit sa iba para di lang 3 months.

akala ata ng iba porke galing ako dito, sumusuka ako ng dolar. e
ganun pa rin naman sweldo ko. may konting sobra lang. saka marami akong bayarin.
-----

bakit kung kelan binura ko na sa ym. magpiping pa sya ulit. mula sa kawalan. tapos wala lang din. hilig talaga
magpaasa. at ako kinausap ko naman. puro naman secret. puro ho-hum. eng-eng ba yun. ano ba gusto nya.

ordinary day lang daw valentine nya. ah? bakit tinatanong ko ba? ah oo. tinanong ko ngapala.

alang date? blah blah blah blah. ala na. alam mo yun. di ka pa nagwawarm-up... boom. transmission terminated.

kaya tingin ko din malabo na. puro ganyan e. tapos malayo din sya kaya siguro pag reunion ko lang makikita o kaya may ikakasal.

sana di na lang sya nagpiping kung pag nagreply ako bigla na lang din ala na maya-maya. parang katulad ng dati din. bigla na lang nawawala. ugali na nya yun. ang makulit dun in-add ko pa ulit sa ym. katanga. buburahin ko na lang ulit.

sana di ko na mapanaginipan. laging bitin naman ang panaginip. kahit isip ko di na rin naniniwala na may
kalalabasan pa. may mga taong swerte sa ganung bagay. siguro nagkamali lang ako kung saan. at yun ala na.
-----

may nakita akong blog nung isang ii-stalkin ko pa lang... sobrang bitter at emo. malala pa sa akin. buti di na ako bitter no? nonchalant lang. masyado ring nasa past at di makaget-over. aba, pareho kami. hmmm...

nakakatamad sa opis... gusto ko na umuwi. magiimpake pa ako. gara na naman ng post na to... baka idraft ko na naman ulit.

Friday, January 14, 2011

stressss

A day of worry is more exhausting than a day of work.  ~John Lubbock

Naiistress na naman ako sa trabaho...

Hindi dahil sa dami ng gagawin o hirap ng ginagawa. Gumawa na naman kasi ako ng kalokohan. Ok lang naman ata yun dapat. Siguro. Kasi yung isa kong kasama mga 1 month na nya ginagawa wala naman nangyari sa kanya. Nakigaya naman ako. Tsk tsk.

Talaga naman.

Tapos bigla-bigla may magkakalat ng tsismis na may natanggal sa ibang team. Sa ibang lugar. Di ko alam kung ano yung ginawa nun at ganun kabigat ang parusa nya. O kung pano nahuli. Baka naman sobrang nawili. Pinabalik daw e. Tapos ayun last day na raw. Ngi naman. Di ko nga alam baka pakulo na naman yang mga rumor na yan para masindak kami. 

Epektib. Nasindak ako e. Ambilis kasi e. Iba talaga pag 1st world ang internet. Nakakaadik ang bilis. Nakarami tuloy ako. Sabi ko pa naman di ko gagawin yun. Ginawa ko rin. Sana kung nagkalat sila nyang rumor na yan, pasimula pa lang ako. Emp talaga.

Nastress talaga ako. Inaantok ako kanina, nawala antok ko. Di rin ako makatrabaho. Langya. Nainception ako. Di ko maalis sa isip ko. Baka di ko pa maenjoy weekend nyan. Asar.

Sana tinatakot ko lang sarili ko. Naku. Kahirap pag nagkataon.

Sana katulad lang nung di kami nakapasok sa building. Hay. Experience talaga. Minsan kahirap kunin. Lalo na yung mga ganitong kasakit sa ulo.

Sana wala lang sa kanila dito yun. Gusto ko magtapos ng february dito.

Friday, January 07, 2011

This planet has - or rather had - a problem, which was this:  most of the people living on it were unhappy for pretty much of the time.  Many solutions were suggested for this problem, but most of these were largely concerned with the movements of small green pieces of paper, which is odd because on the whole it wasn't the small green pieces of paper that were unhappy.  ~Douglas Adams

Saturday, January 01, 2011

Old Lang Sign

"Cheers to a new year and another chance to get it right" - Ophrah Winfrey

Bagong taon na ulit. Kung kailan sanay na ako magsulat ng 2010 sa date pag nagfi-fill up ng form, ngayon naman 2011 naman ang kailangan pagsanayan.

Di na ako sanay magblog... mahahaba ang pagitan ng mga nakaraang post. nakalimutan ko na rin magsulat ng mga ganito. sayang kung iisipin, andami ko pa naman kwento. napanis na sila... masyado nang huli para ikwento. nakalimutan ko na yung mga gusto ko dapat sabihin nung nangyayari. blah blah blah.

So itry natin ulit. Siguro natamad lang ako magblog dahil masyado ko sine-censor ang sarili ko. marami akong gusto sabihin pero baka makita ng nakakakilala sa akin. gusto ko magpalit ng pseudonym pero masyado naman ako naattach sa ninong. Ewan ko ba. Di na ako makaisip ng bago.

Kaya medyo pagpasensyahan nyo na. nangangapa ulit ako. Simulan natin sa angst...

Hmmm. Nakita ko mga picture ni little-goth. Oo tinitingnan ko pa rin ang profile nya from time to time. Pag naalala ko. Tumaba na sya. Pero maganda pa rin naman. Siguro yun ang naimagine ko nung sinabi nya dati na tumaba na sya nung hindi pa kami nagkikita ulit after 7 years. In a relationship na pala yun ulit. Di ko kilala kung sino. Ewan ko. Yung nahinuha ko e improvement naman kumpara dun sa dati nya.

Di sila masyadong vocal sa facebook. di katulad ng ibang kilala ko dun sa fb. parang kulang na lang sa mga yun ibroadcast nila sa tv na nagmamahalan sila. para akong bitter no. pero minsan kasi excessive naman sila masyado. Minsan nakakasawa rin makita sa wall mo kung gano nila kamahal ang isa't isa. Siguro pag sobra ka inlababo e gusto mo lang ipagkalat sa iba. Di ko alam. Di ko pa natry...

Mabuti na rin siguro na hindi ako nakaattend sa kasiyahan nung december. Ewan ko, baka awkward pa rin kung nagkita kami. Di ko alam. Di natin masasabi. Minsan dinadalaw ko pa rin profile kahit na nakahide yung mga status nya sa wall ko. Nabura ko rin pala sa ym. Ayoko na dun e. Kaso sayang, gusto ko rin makita mga dati kong kaklase. baka meron dun pwede. hehe.

nakausap ko pala si all-sweet nung isang araw. sa phone. long distance. mga 1 hour din. pero halos ako lang nagkwento kwento nun. ang daldal ko nga daw e. marami pa rin pala ako kwento. hmmm.... dami ko rin nasabi hinahabol ko nga yung hininga ko. siguro nakwentuhan ko sya ng ganun nung nagpupunta pa kami sa 4th floor ng SM pagkatapos ng cwts. bago nagka-rift. bago nawala. in a relationhip na rin pala yun. at mukhang ok naman sila. ok naman ako. yun lang yung hinanap ko nawala. ok na ako kung hanggang dun na lang.

hehe. bagong taon na pero puro past ang pinagkwkwento ko. tama na yun.

new year and another chance to get it right.

Friday, December 10, 2010

PBA Blogger's Choice: CHKSLG

Matagal tagal na rin akong hindi nagblo-blog kaya maswerte ang lahat ng nominado sa Philippine Blog Awards. Oo, maswerte kayo. Hindi nyo pa ako makakalaban. Pinagbigyan ko kayo at inyo na ang taon na to. Siguro next year di na ako magiging mabait. Kaya kailangan manalo na kayo ngayon.

Para sa taon na ito, ang iboboto ko para sa Blogger's Choice ay si super xienah ng CHIKSILOG. Bakit? E kasi gusto ko pa rin... manalo sya. Wahahaha. Kahit na naalala nya lang ako nung kailangan nya ng boto ko. Parang nung Project Lafftrip Laffapalooza. Kahapon nga lang sya nag-ym ulit. Samantalang lagi naman ako online. Tsk tsk. Tapos nagym lang dahil may kailangan. Kasakit. Haha. Nung huling usap namin sa ym sabi nya "teka. diyan ka lang",



September pa yun. aba, tapos december na nung bumalik at nagym ulit.

Grabe.

Akala ko pa naman nung nabasa ko yung entry nya nung isang araw e panalo na sya. Kaya di na ako bumoto. Hiatus nga ako e. Kaso ang lakas mangonsensya.

Kailangan nya pala ako. :P

Ano pa ba? Iboboto ko sya dahil kahit matagal akong nagpahinga (at nagpapahinga pa rin) sa blogging e lagi ko pa rin dinadalaw yung blog nya. Mula nung superhero pa syang inaapi sa parapnasia at nakaaway ang isang buong barangay, hanggang maging empermera sya at ngayon chiksilog na, nabasa ko ata lahat ng entry nya. Ata lang ah.

Iboboto ko sya kahit bihira sya magpost dun sa chiksilog. At mabagal ang site nya. At madalas syang bitter sa mga post nya. Haha. Iboboto ko sya dahil maayos sya magsulat, iilan na lang ang Tagalog magblog ngayon. Iilan na lang ang nagpapatawa nang hindi raw. Iilan na lang ang wala masyadong ads sa blog na blink ng blink, sakit sa mata. At iilan lang din ang mas deserving manalo ng award kaysa sa akin. Di sya yun. Hahaha.

Pero oy, pwera biro, sya dapat manalo ngayon.

Wednesday, May 19, 2010

Again

Anong nangyari? Ulitan na naman ang blog na ito. Pambihira, ninong.. ituloy mo naman. Ganyan din ginawa mo nung isang taon. Tapos wala pang sampu yung post mo. Ni hindi mo nabuo yung layout mong ubod nang ganda...

Hmmm... Sakit ko na ata ang hindi tapusin ang mga nasimulan... ayaw ko lang sigurong may mga bagay na nagtatapos. Kung iniwan ko sya para bukas, baka pwede pa ring ituloy minsan. alam ko may mga bagay na nawawala kapag iniwan ng matagal. Pero ewan ko ba, kung hindi hinog sa pilit... overripe naman ang mga bagay-bagay.

Hindi ko naman masasabing busy ako sa trabaho palagi. Kasi kapag wala ako sa mood magtrabaho, bahala kayo, magpepetiks talaga ako. Kung tutuusin mas busy pa ako nung nagpapanggap pa akong estudyante. Maraming project, may mga quizzes tapos may dyaryo pa. Minsan pumapasok ako sa klase, exam na pala ni wala man lang akong booklet.

Pero nakakapagblog ako nun. Kulang ang linggo kung hindi ko maikwento sa libo-libo kong mambabasa kung bakit nabadtrip ako dun sa drayber ng jeep kanina, o sa kung anong tingin kong kulang sa pagkabata ng kung sinong bwisit na nagpapahirap ng buhay ko. o sa kung anong latest sa aking masalimuot na buhay pag-ibig (na minsan naiisip ko, parang by choice...)

Napakaraming nangumbinsi sa akin na magbalik sa blogging. Mga tatlo o apat sila. May mga gustong umalis ng microblogging. ewan ko kung bakit. marami atang mas papansin dun o masyadong mga warfreak lahat ng tao. naging big deal ang mga wordart na nung hayskul pa ako huling gumawa. o yung mga picture na kakaiba o kaya NOT SAFE FOR WORK. nauso yung mga reblog-reblog na hindi ko masundan yung mga comment...

nawala na yung mga mahabang kwento. siguro dahil nakakatamad din kasi magbasa ng mahaba. tapos yung ibang blogger tulad ko, gusto nagco-comment pa kayo. e sa tumblr, ni walang cbox (sabi nila pwede raw, pero ala naman akong nakitang naglalagay). kita mo agad kung ilan may gusto sa sinabi... at kung ilan ang disipulo mo.

ako, kaya lang ako may account sa tumblr ay para mauna ako dun sa ninong.tumblr.com.

So ayan, may mga bumalik na ata sa "macro"-blogging. Binuhay ang mga inaagiw nilang blog at datkom. May mga gusto ng reunion. Yung ibang di naman umalis ang sabi lang... nyehehe. Kung magsasalita lang ang mga naiwan nyong blog sasabihin nila, "You had me at my best... and you chose to type wordarts."

Siguro minsan, yung mga bagay na pinaghihirapan itype at pag-isipan... yun ang masarap balikan.

Tuesday, January 12, 2010

Night Sheep

"Night time is really the best time to work. All the ideas are there to be yours because everyone else is asleep." ~Catherine O'Hara

May mga bagay talaga na pag nasanay ka na, mahirap baguhin. 8 buwan na rin akong panggabi sa trabaho. Nasanay na akong
natutulog habang tirik ang araw. May mga ayaw sa panggabi, nahihirapan daw matulog sa umaga. Nagiging sakitin. Di ako nagkaroon ng ganung problema. Nocturnal lang siguro talaga ako. Kahit noon pa, napupuyat ako ng walang dahilan. E di mas ok ngayon kasi pinagkakakitaan ko pa yung passive ability ko.

Masarap ang panggabi dito. Mas malaki ang sweldo kasi may night diff, may allowance pa. Malayong-malayo sa kita ng pang-umaga. Mas marami akong nabibigay sa bahay tapos may natitira pa sa akin pambili ng kung anu-ano.

Wala pang bossing. Ako ang team lead sa gabi. Ako ang project manager, ako ang people manager. Ako ang presidente. Akin ang mundo.
Kung gusto ko matulog, nakakatulog ako. Kung gusto ko magwarm-up at magbrowse, manood muna ng pelikula, magbasa ng ebook, maglaro ng DOTA (<-noob) walang makakapigil sa akin, wala kahit isa... pwera sa IT department (kasi 24hrs sila).

Oo nga walang social life. Pero wala naman talaga ako nun, kaya di naman talaga yun kawalan. Nakakaalis din naman ako dito kung may kailangan talaga puntahan. At kung papipiliin lang din naman sa pagitan ng social life at salapi e wala tayong magagawa, pera-pera lang yan.

Haay. Kaso ibabalik na ako sa umaga. Babalik sa mga pagiging alipin. Andun ang mga bossing, kanila na naman ang mundo. Balik sa sweldong maliit. Patay ang lifestyle sabi nga nung kasama ko.

Dapat siguro maghanap na ng ibang trabaho.